VISMIN CUP: KAPATAGAN SUMALO SA LIDERATO

NAIPUWERSA ng BYB Kapatagan ang three-way logjam para sa top seed makaraang maungusan ang Globalport-MisOr, 63-62, sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge, Miyerkoles ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Ang  Buffalos, Valientes, at Zamboanga Sibugay ay magkakasalo ngayon sa liderato na may 7-4kartada.

Sa likod ng 7-2 rally ay natapyas ng MisOr ang 51-57 deficit sa isang puntos lamang, 58-59, sa layup ni Jason Ballesteros, may 3:13 sa orasan.

Subalit sumandig ang Kapatagan sa kanilang depensa at hindi pinaiskor ang Valientes ng field goal hanggang sa pinakahuling segundo, nang isalpak ni Joseph Nalos ang isang three-pointer para ilagay ang final score. Gayunman, ang kanyang long-range shot ay hindi sapat para maipuwersa ang overtime.

“Sobrang sayang ‘yung talo namin kagabi eh kaya sabi ko sa kanila kailangang kailangan namin itong panalo na ito para may chance pa tayo sa No. 1,” said Kapatagan head coach Jaime Rivera.

Matinding depensa ang inilatag ni Jonel Bonganciso kina Mac Baracael at Reil Cervantes na sinamahan ng 11 points at  13 rebounds para sa Buffalos.

Nag-ambag si Edrian Lao ng 11 points at 7 rebounds, habang nagsalansan si homegrown Joel Sollano ng 11 points, 4 rebounds, at 4 assists.

Tumapos si Baracael na may 15 points sa 6-of-14 shooting na may 6 rebounds at 3 assists para sa MisOr.

Tumipa si Cervantes ng 12 points subalit 3-of-13 lamang mula sa field, habang gumawa lamang si Joel Lee Yu ng 2 points makaraang malagay sa ‘foul trouble’.

Iskor:

Kapatagan (63) – Bonganciso 11, Lao 11, Sollano 11, Rodriguez 9, Kwong 6, Puerto 4, Daanoy 4, Ariar 3, Manatad 2, Delfinado 2, Manalo 0.

MisOr (62) – Baracael 15, Cervantes 12, Nalos 9, Estrella 8, Ballesteros 6, Salcedo 4, Ubalde 2, Meca 2, Lee Yu 2, Caranguian 2.

QS: 16-18, 40-31, 52-49, 63-62.