VISMIN CUP PLAYERS SA GAME-FIXING KINASUHAN NA

Abraham Mitra

MULA sa suspensiyon, tiyak na ang pagbawi sa mga lisensiya at posibleng kalaboso sa professional basketball players at officials na sangkot sa inim-bestigahang game-fixing sa VisMin Pilipinas Super Cup.

Ipinahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na isinampa ng ahensiya ang kasong kriminal sa Cebu Prose-cutor’s Office nitong Miyerkoles laban sa mga player at opisyal ng koponang ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes at Siquijor Mystics na nasangkot sa kontrobersiyal na laro sa elimination round noong nakaraang Abril 9.

Ayon kay Mitra, isang composite team na pinamumunuan ni GAB Chief of Professional Sports Division June Bautista ang nagtungo sa Cebu City para pormal na maisampa ang kaso matapos ang ilang buwang imbestigasyon at pag-aaral sa mga nakalap na ebidensiya.

“Nakapag-build up tayo ng kaso after months of investigation with the help of PNP Criminal Investigation and Detection Group and the National Bureau of Investigation,” pahayag ni Mitra.

“We want to teach a lesson for people who are thinking about going into sports and making money through game fixing,” aniya.

Tumanggi si Mitra na pangalanan ang mga kinasuhan ng GAB bilang pagbibigay respeto sa proseso sa aspetong kriminal.

Sa record ng VisMin Cup makaraan ang sariling imbestigasyon ilang araw matapos ang kontrobersiya, pinatawan ng multa at banned sa liga ang mga player ng Siquijor na sina Jan Cedric Penaflor, Michael John Calomot, Frederick Rodriguez, Gene Belleza, Jopet Quiro, Isagani Gooc, Juan Andre Aspiras, Desmore Joshua Alcober, Vincent Tangcay, John Peter Buenafe at Ryan Clarence Buenafes, gayundin ang head coach na si  Joel Palapal at assistant coach Magenelio Padrigao,

Pinagmulta rin ng P1 milyon ang Siquijor Mystique at pinagbawalang makabalik bilang miyembro ng VisMin Cup.

Sa panig ng ARQ Builders, sinuspinde ng buong season at pinagmulta ng P30,000 si Rendell Senining bunsod ng tahasang pambabastos sa laro nang tumira ng kaliwa’t kanang free throw.

Nasuspinde naman ng buong elimination at pinagmulta ng tig-P15,000 sina Jercules Tangkay, Reed Juntilla, Monbert Arong, Dawn Ochea, at Ferdinand Lusdoc, habang pinatawan ng multang P30,000 at suspensiyon sa buong first round si head coach  Francis Auquico, habang suspinde rin at pinag-multa ng tig-P20,000 ang mg assistant na sina Jerry Abuyador, Alex Cainglet, Jon Carlo Nuyles, Hamilton Tundag, at Roger Justin Potot.

“Ipinangako namin na hindi namin ito bibitiwan. Klaro na may ginawa talagang kasalanan, we have no choice but to file corresponding cases. Maging aral sana ito sa lahat ng players. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na maging pro players,” pahayag ng dating Palawan governor at congressman.

Nag-ugat ang kontrobersiya nang itigil ng liga ang laro ng ARQ Builders-Lapu-Lapu City Heroes at Siquijor Mystics sa halftime kung saan nasa 27-13 ang talaan. Naging usapin sa social media ang laro na napapanod ng live sa Facebook at YuoTube at inulan ng batikos dahil umano sa “lack of respect for the game” na kalauna’y nauwi sa isyu ng game-fixing.

“We would like to remind our players that a license to practice a profession is not a right, but a concession and a privilege granted by the government. Now, if they fail to abide by the rules, the government has the right to step in to impose necessary sanctions or revoke such a privilege,” pahayag ni Mitra.

Mahigpit ang paglaban ng GAB sa game-fixing. Kamakailan lang, sinuspinde ng ahensiya ang lisensya ni San Miguel Beer 3×3 player Daniel de Guzman matapos isnabin ang ipinatawag na meeting ng GAB para linawin ang kanyang pagkakasangkot sa pagbibigay ng maling tip sa laban ng SMB at Ginebra nitong Setyembre 10, Maraming tumaya sa Ginebra bunsod umano ng ‘tip’ ni De Guzman, ngunit natalo ang Kings sa Beermen 111-102. EDWIN ROLLON

5 thoughts on “VISMIN CUP PLAYERS SA GAME-FIXING KINASUHAN NA”

  1. 115907 915994Likely to commence a business venture around the refers to disclosing your products and so programs not just to individuals near you, remember, though , to several potential prospects far more by way of the www often. earn cash 754089

Comments are closed.