VISMIN SUPER CUP LALARGA SA ALCANTARA

on the spot- pilipino mirror

SA ISANG maliit na munisipalidad ng Alcantara sa lalawigan ng Cebu idaraos ang Pilipinas VisMin Super Cup — kauna-unahang community-based professional basketball league sa South —  na nakatakdang  magbukas sa Abril 9.

Matapos ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu City, napagkasunduan ng VisMin Cup organizers, sa pakikipagtulungan ni dating PBA star at Cebu City Councilor DonDon Hontiveros, na isagawa ang opening ceremony ng Visayas leg  sa Alcantara – isang coastal area na  may 85 km ang layo sa lungsod.

“We expressed our deepest appreciation to the organizers and to Councilor Dondon Hontiveros for choosing Alcantara as venue of the VisMin Cup season-opening. We are ready and ‘safety and health’ protocol is in place,” wika ni Mayor Fritz Alcantara.

“Alcantara is the best choice for VisMin opening. Although, talagang nanghihinayang kami dahil pinaghandaan  ng Cebu City ang programa, but safety first and with this current situation sa lungsod, it’s better to play the game for the meantime in much safety place,” pahayag ni Hontiveros, tumatayo ring Ambassador ng liga at isa sa ipinagmamalaking pro cager na nagmula sa South.

Inaprubahan ng Games and Amusements Board (GAB) ang naging desisyon ng VisMin organizers na ilipat ang venue sa Alcantara, ayon kay VisMin Cup Chief Operating Officer (COO) Rocky Chan.

Laking pasalamat ng VisMin Super Cup  sa GAB dahil sa Ibinibigay  na  guidance na masiguro na makasusunod sa protocol  at kaligtasan ng lahat.

Iginiit ni Chan na bukod sa development ng sports tourism sa South, inilunsad nila ang VisMin Cup upang makatulong na mabigyan ng kabuhayan hindi lamang ang mga player kundi maging ang mga official, technical personnel at ang maliliit na entrepreneur.

Ang Mindanao leg ay posibleng simulan sa Mayo  at nagpahayag ng kahandaan na maging host ang Zamboanga.

Sinabi naman ni VisMin Cup Secretary General Chelito ‘Carz’ Caro na kabuuang 12 koponan na hinati sa dalawang grupo ang kumpirmado nang lalahok sa Visayas leg kung saan maglalaro sa double-round elimination.

“Sa target namin mga 29 games lang we’re going to Finals na,” aniya.

Nilinaw ni Caro na bukas ang liga sa lahat, maging sa mga dating PBA player, Fil-foreign player at mga Pinoy na nakabase sa abroad basta pasok sa panuntunan ng liga.

“Foremost, siyempre, ‘yung homegrown players. Kaya may rules tayo na bawat team kailangan may anim silang players na ipinanganak at lumaki sa probinsya na kakatawanin ng team nila. Dapat grassroots ito, kaya hindi puwede ‘yung dati nang nakapaglaro sa pro at commercial league,” sambit ni Caro.

Ang MDC ang katuwang ng VisMin Super Cup,  sa pangunguna ni Nico Diaz Clemente,   Chief Marketing/Finance officer ng MDC Sports, Inc., at  ang siya ring official ball ng liga.

Comments are closed.