VISTA PROJECT SINIMULAN NG DAR-BENGUET PARA SA PAGPAPAUNLAD NG MGA PLANTASYON NG KAPE, KAKAW

UPANG simulan ang proyekto ng Value-Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agra­rian Reform Communities (VISTA) sa Benguet, nagsagawa ng orientation at localized planning session ang Department of Agra­rian Reform (DAR) na naglala­yong mapabuti ang kalagayan ng mga plantasyon ng kape at kakaw sa lugar.

Ayon kay Lailani A. Cortez, Provincial Agrarian Reform Program Officer II, ang oryentasyon ay hudyat ng serye ng mga hakbangin para simulan ang pagpapatupad ng VISTA project sa Benguet sa  Enero 2025.

“Ang inisyatiba na ito ay pinondohan ng International Fund for Agricultural Development (IFAD) na may kabuuang halagang pautang na $112.82 milyon at naglalayong solusyunan ang kahirapan sa kanayunan at pahusayin ang seguridad sa pagkain habang pinangangalagaan ang mga mahihinang natural na ekosistema sa kabundukan,” ani Cortez.

Ang VISTA project ay may budget na ₱64 milyon bawat ARC upang tugunan ang mga pangunahing sanhi ng kahirapan sa kanayunan at pataasin ang kita, trabaho, at katatagan sa klima ng mga target na grupo, kabilang ang mga kababaihan, kabataan, at Indigenous Peoples (IPs), sa pamamagitan ng pagpapalakas ng inklusibong value chain gamit ang mga konserbatibo at napa­panatiling likas na kayamanan ng bansa.

Sinabi ni Cortez na ang VISTA project ay ipatutupad sa loob ng anim na taon, mula 2025 hanggang 2030, na nakatuon sa Cordillera Administrative Region at Region XII, na may partikular na atensiyon sa pagprotekta at pagpapahusay sa natural ecosystem.

“Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga plantasyon ng kakaw at kape sa Benguet, ang proyekto ay naglala­yong palakasin ang pa­ngangalaga sa kapaligiran at magbigay ng mga benepisyo sa ekonomiya ng mga magsasaka,” dagdag pa niya.

Ang VISTA project sa Benguet ay ipatutupad sa tatlong batch. Isasagawa ang Batch 1 sa mga Agrarian Reform Communities (ARC) ng Atok ARC, Kapangan ARC, at Tublay-Adu­yon ARC.

Para sa Batch 2A, ang mga target na lugar ay kinabibilangan ng North Central Kibu­ngan ARC, Sablan ARC, Sab­lan, at Tuba ARC. Para sa Batch 2B, ang mga target na lugar ay ang Tabaan Norte ARC sa Tuba, Bokod ARC sa Bokod, at Itogon ARC.

Ang mga kalahok sa sesyon ay nag-update ng ARC Development Plan (ARCDP) upang maiayon ito sa mga kinakailangang mga pro­yekto na kinabibilangan din ng pagpapatupad ng mga farm-to-market road, mga sistema ng irigasyon, at iba pang mga proyektong imprastraktura upang mapahusay ang produktibidad ng sakahan.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA