HUMIHINGI na ng tulong ang mga residente sa mga kinauukulan lalo’t higit Kay President Ferdinand Marcos Jr. na tulungan sila sa kanilang suliranin sa pagkakabili ng lupa sa isang Subdivision.
Nasa 1,000 bilang ng pamilya ang nakatira rito na karamihan ay mga nagtatrabaho sa gobyerno, retired teacher, sundalo at mga OFW at ibat ibang sektor.
Hindi pa rin pala nareresolba ang problema ng mga residente sa Viva Homes Subdivision sa Salawag, Cavite na ide-demolish anumang araw.
Bawat isa sa atin ay pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Lalo na ang mga nais magretiro or kung tayo naman ay overseas Filipino workers ay masaya na makita na nakabili ng lupa at bahay.
Sa kaso ng mga nakabili ng lupa’t bahay sa Viva Homes Subdivision nalaman nila pagkalipas ng mahabang panahon na hindi pala sa kanila ang lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay.
Bagama’t ang bumili ng property sa nasabing subdibisyon ay nagbayad sa Pag-Ibig, mayroon sa Central Bank at Iba pang pinagbabayaran, makaraang matapos ito ay saka lang nila nalaman na hindi pala pagmamay ari ng kanilang developer ang nasabing subdibisyon.
Kaya naman, labis ang kanilang pagtataka kung bakit hindi na ibinigay ang titulo sa ilang mga residente, gayong tapos na sila ng bayarin na kanilang hinulugan nang matagal na panahon.
Napag nalaman nila na ang kanilang nabiling property ay mayroong ibang nagmamay ari kung kaya sila’y pinapaalis at magreresulta ng pagde-demolish sa kanilang lugar na kanilang pinangangambahan ngayon.
Sobrang sakit umano sa kanila na maglalaho na lamang ng parang bula ang kanilang pinaghirapan ng matagal na panahon.
Ito ang dahilan kung bakit nagpagtawag ng assembly ang LGUs kamakailan sa nasabing subdibisyon upang magkaliwanagan kung ano ang mga dapat gawin upang hindi maipatupad ang pagde-demolish.
Kaya lang nagkaroon ng hindi magandang paliwanagan sa panig ng mga residente, LGU at sa umano’y bagong may ari Viva Homes Subdivision.
Ipinipilit ng mga residente rito na dugo at pawis ang kanilang ipinambayad sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay subalit kamukat – mukat ay hindi na pala sa kanila ito.
Sa naging pahayag ng presidente ng Home Owners Association na si Mr. Raymond Villarin nang magsagawa ng assembly, marami na silang nilapitang ahensiya ng pamahalaan, subalit hindi pa rin ito nagkakaroon ng kasagutan
Sa mga naging pag- uusap ng mga kinauukulan, ang iba umanong mga residente ay ayaw umalis sapagkat mayroon na silang mga titulong pinanghahawakan, ang iba naman ay willing umalis basta maayos ang compensation.
Nagdadalawang isip naman silang magbigay umano ng mga data na hinihingi sa kanila ng bagong may ari ng subdibisyon sapagkat hindi na nakikipag -usap sa kanila ang dating may ari nito na Vikal, kung saan ito’y pagmamay ari na ngayon ng Paxton.
Umaasa ang mga residente ng nasabing subdibisyon na makakarating ito sa mga kinauukulan, at magkakaroon na sila ng kapanatagan, kung hindi na magkakaroon ng demolisyon sa kanilang lugar.