KUNG kayo ay mahilig manood sa Youube, subukan ninyong hanapin ang mga kaganapan tungkol sa clearing operations na isinasagawa ng mga lungsod sa Metro Manila. Makikita ninyo kung gaano kadeterminado ang mga clearing operations team ng LGUs, sa tulong ng PNP at MMDA.
Masakit man ito sa mga apektado ng kampanya na iniutos ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA, ang paglilinis ng mga sidewalk sa mga illegal vendor at mga sasakyan na walang garahe ay nararapat lamang para sa kabutihan ng nakararami.
Hindi maaaring hayaan natin ang mga ganitong maling gawain. Nakasanayan na kasi ang ganitong ugali na pagiging pasaway dahil walang naglakas-loob na mga lider natin noon. Nagpakasasa lamang sa kapangyarihan at mga personal na interes. Pamumulitika ang inuna imbes na kaayusan ng ating lipunan.
Ito ang panahon ng mga tinatawag na millennials, nauuso ang vlog. Ang vlog ay isang personal na website o social media kung saan regular na nag-po-post sila ng mga maikling video na may kani-kanilang interes na kung minsan ay nagiging trending sa social media. Dahil sa kasikatan nito, nagiging pamamaraan na rin ito bilang isang hanapbuhay kapag ang isang manonood sa Youube ay nag-subscribe sa kanilang website.
Ang matagumpay na vlog tungkol sa clearing operations sa Metro Manila ay sinimulan ng isang banyaga. Ito ay isang British blogger na gumagamit ng pangalan na Gadget Addict. Siya ang nagsimula ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ng pag-cover ni Gadget Addict sa mga clearing operation at traffic enforcement ng MMDA, nailagay sa ating kaisipan ang malalang paglabag sa batas trapiko dulot ng mga matitigas na ulo at pasaway na mga motorista at illegal vendors.
Mukhang ito ang nag-ugat sa mga isinasagawa ng mga bagong halal na mayors sa Metro Manila. Nakita nila ang kapangyarihan ng social media sa pamamagitan ng vlog upang makita at mapansin ang mga kampanya at programa nila upang ayusin at linisin ang kanilang lungsod.
Nandiyan si Yorme Isko Moreno ng Maynila. Bukod sa personal niyang vlog, may inatasan din siya sa Public Affairs Office upang mag-upload ng mga video ng kanilang clearing operations. Hindi rin magpapahuli ang Pasig City at Quezon City.
Sa gawing Maynila, nandiyan ang vlog ni Papapu-Jaenikay Daily, City Explorer Plus, ESME TVko at marami pang iba. Sa Pasig naman, nandiyan si Dada Koo, Vincent Tabigue, RC Entertainment, at Amore Vlogs. Sa Quezon City naman ay tila umaasa lamang sila sa malalaking TV networks. Sana ay gayahin din ito ng mga ibang lungsod sa Metro Manila.
Tama ang sabi ni Yorme Isko, malaking tulong ang nagagawa ng mga vlogger sa kampanya nila upang ayusin at linisin ang Maynila. Sinabi niya na, “Ang Maynila ay naging tahanan na ng mga vlogger. Maraming salamat sa inyo. Dahil sa ginagawa ninyo, hindi ninyo po ako tinutulungan kung hindi ang siyudad ng Maynila upang ipalaganap ang mga magandang nangyayari sa ating lungsod.”