VLOGGER, 2 PA DAKMA SA ‘DAMO’

LAGUNA- DINAKIP ng mga operatiba ng Laguna Intelligence unit at PNP Region 4A Drug Enforcement group ang kilalang vlogger at dalawa pang kasamahan nito sa ikinasang buy bust operation nitong Sabado ng madaling araw.

Sa report ni Col. Glenn Randy Silvio, Laguna PNP provincial director kay Calabarzon police director Gen. Jose Melencio Nartatez, kinilala ang mga suspek na sina Gerome Zapanta Layson, alias Jhena Bayot, 31-anyos, binata, social media vlogger; Ginalyn Pintang Benison, alias Nalyn, 36-anyos, dalaga at Crismark Balboa Alimagno, alias Lake , 21-anyos, binata, kapwa mga residente ng nabanggit na lugar.

Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit sa dalawang kilo ng high grade marijuana na may street value na P3,750,,000 pesos.

Sa masusing imbestigasyon ng pulisya, matagal na umanong nasa surveilance ang ilegal na pagbebenta ng mga suspek subalit madalas umanong ginagamit ng mga ito ang social.media platform kung saan dinadaan sa online selling ang transaksyon.

Sinabi pa ni Silvio na nakakuha umano sila ng pagkakataon ng pumayag ang mga suspek na face to face ang gagawin bilihan ng mga undercover agent dahil daan libong piso ang presyong sangkot sa transaksiyon.

Ayon sa mga humuling operatiba ng San Pablo police unit, ikinasa nila ang buy bust dakong alas-3 ng madaling araw sa Barangay San Isidro kung saan nakahanda na ang kabuuan ng perang ibibili ng droga.

Nang maiabot na umano ng mga pulis ang marked money doon na inaresto ang tatlong suspek at sabay na kinumpiska ang isang bag na naglalaman ng 2 kilong high grade marijuana.

Kasalukuyang nakapiit sa San Pablo city jail ang mga nadakip. ARMAN CAMBE