KINASUHAN ng $2 million-defamation ni international fashion designer Rodolfo “Puey” Quiñones Jr. ang vlogger na si Maharlika sa Superior Court ng State of California sa Los Angeles nitong Marso 1.
Si Maharlika na ang tunay na pangalan ay Claire Contreras ng Boldyak TV, isang YouTube channel ay sinampahan ng kaso sa American court dahil sa sinasabing mga mapanirang akusasyon laban kay Quiñones.
Sa virtual press.conference, sinabi ni Quiñones na ang mapanirang vlog ni Maharlika ay may titulong “Designer Iskaamer, Ka Tandem ni Butod” na ibig sabihin ay sangkot sa scamming o panggantso na nagdulot ng matinding danyos sa kanyang negosyo.
Tinukoy nito na ang tahasang paninira ni Maharlika na peke o counterfeit ang kanyang creations ay nagresulta para makansela ang iba niyang business contracta at projects bilang designer.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang akusasyon ni Maharlika na ginagantso niya ang Unang Ginang at ang Pinoy gamit ang pekeng creations.
“These accusations have greatly impacted me, my business, my reputation, and my life,” anang Filipino designer.
Nagtataka si Quiñones, kung ano ang motibo ni Maharlika at inaatake siya ng masasama at malisyosong pahayag nito gayung hindi naman sila nagkasama o magkakilala.
Hindi rin alam ni Quiñones na ngayon ay nakatira sa Los Angeles, California, kung ano ang ikinagagalit ni Maharlika sa First Family partikular kay First Lady Atty. Liza Araneta Marcos dahil wala naman silang direktang komunikasyon.
Duda rin ang Filipino designer na ang motibo ng paninira sa kanya ni Maharlika ay dahil malapit siya sa Malakanyang.
“My lawyers have sent Ms. Contreras a cease-and desist letter demanding that she takes down her video, and retract her false statements. However, Ms. Contreras has refused our request, even though she has no first-hand knowledge of my professional ties with the First Lady,” diin ni Quiñones.
Dagdag pa ni Quinones, wala nang atrasan ang kanyang pag-asunto kay Maharlika upang makuha ang hustisya, bukod sa defamation case ay nagsampa rin siya ng criminal case laban sa vlogger sa Philippine court at sa US dahil sa pagsira sa kanyang reputasyon at negosyo.
“Criminal case in the Philippines and in the US, it’s been filed,” paglilinaw ni Quiñones.