VLOGGER NA GINAWANG SARANGGOLA ANG 1K BILLS, NAG-SORRY

HUMINGI ng paumanhin ang Cebuano vlogger na si Ronnie Suan, na mas kilala bilang “Boy Tapang,” sa hayagang paggawa ng saranggola mula sa P1,000 na perang papel sa kanyang bayan sa Alcoy, Cebu.

Binura na ni Suan ang video sa Facebook kasunod ng imbestigasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ngunit habang isinusulat ang balitang ito ay available pa rin ang parehong content sa Youtube channel na “Erika and BoyTapang Vlogs,” na kanya rin.

Makikita sa video si Boy Tapang at ang kanyang mga kaibigan na nangongolekta ng P1,000 bills, na nagkakahalaga ng P1 milyon na ginawang saranggola at kalaunan ay kanilang pinalipad.

Na-post ang video dalawang linggo na ang nakararaan.

“Hindi ko po intensiyon na laruan ang pera dahil galing ako sa mamahip.Humihingi po ako ng sorry sa lahat ng mga viewers ko, mga supporters ko lalo na sa Bangko Sentral ng Pilipinas,” pahayag nito.

MA. LUISA M.GARCIA