VM, KONSEHAL SUGATAN SA SUMALPOK NA SUV

QUEZON- NAGTAMO ng maraming sugat sa ulo at katawan ang isang Vice Mayor at isang konsehal matapos na sumalpok sa poste ng kuryente at pader ng bahay ang kanilang sasakyan sa national highway, Pitogo nitong Biyernes ng gabi sa lalawigang ito.

Base sa inisyal na report ng Pitogo police station, minamaneho ni Vice Mayor Paul Timothy Villaflor, 42-anyos ang kaniyang Sports utility vehicle sakay si Konsehal Alexander Mosquite, 43-anyos patungong bayan ng Gumaca nang maganap ang aksidente.

Ayon sa traffic management bureau ng bayan ng Pitogo, pagdating umano ng SUV sa isang kurbadang kalsada sa Barangay Amontray ay nawalan ng kontrol sa manibela ang Vice Mayor.

Unang sumalpok ang sasakyan sa poste ng kuryente saka ito nagdiretso sa pader ng isang bahay na nasa gilid ng highway.

Sugat sa ulo at katawan ang tinamo ng dalawang biktima na agad namang naisugod ng Municipal Disaster Management Office sa ospital ng Gumaca.

Sa masusing pagsisiyasat ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng SUV kaya nag-overshoot ito sa kurbadang bahagi ng kalsada na naging sanhi ng aksidente. ARMAN CAMBE