NANINDIGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kautusang huwag magpatupad ng window hour sa mga lugar sa Batangas na isinailalim na sa lockdown
Naabisuhan na ng DILG ang mga alkalde sa mga lugar kung saan ipinatutupad ang lockdown na huwag nang magpatupad ng Window hour sa kanilang mga kababayan
Inihayag ito ni Interior Secretary Eduardo Año makaraang ikagulat ng mga Alkalde sa 14 na bayan sa Batangas ang kautusan na itigil na ang lock-down upang maiwasan ang pagkakaroon ng casualty sa sandaling mag-alborotong muli ang Bulkang Taal
Sinabi ng kalihim na mananatili ang lockdown hangga’t hindi ibinababa ng Phivolcs ang kasalukuyang Alert Level 4 sa bulkan.
Giit ni Año, bagama’t masakit na isakripisyo ang buhay ng mga alagang hayop, mas malaking kargo naman aniya kung ang buhay ng mismong mga amo nito ang malagay naman sa panganib.
Para naman masiguro na walang makalulusot na residente ay may nag-iikot na mobile patrol ng PNP sa mga lockdown areas na siyang susuyod sa mga kabahayan.
Magugunitang umaalma si Talisay City Vice Mayor Charlie Natanauan sa ipinatutupad na lockdown dahil sa kaniyang paniniwalang tapos na ang pag-aalboroto ng bulkan
Subalit apela naman ni Police Regional Office 4-A Director P/BGen. Vicente Danao kay Natanauan na huwag nang udyukan ang kaniyang mga kababayan na suwayin ang awtoridad sa halip ay tumulong na lamang. JAYMARK DAGALA-DWIZ882AM
Comments are closed.