VNL: NETHERLANDS BALIK SA PORMA

NAGPAKAWALA si opposite spiker Nimir Abdel-Aziz ng tatlong service aces upang tumapos na may 31 points nang pataubin ng Netherlands ang Germany, 22-25, 31-29, 25-23, 25-16, upang maibalik ang winning ways sa Volleyball Nations League kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor si Nimir ng magkasunod na service aces para basagin ang final deadlock sa second set sa 29-29.

Si Nimir din ang nagbigay sa Netherlands ng 2-1 set lead sa clutch kill at tinapos ang laro sa matinding spike.

Hindi sumuko ang 12th-ranked Dutch, lalo na sa second set.

“We are happy because we didn’t play the best volleyball but we continued to fight after the first where we didn’t play good,” sabi ni Nimir, na naglalaro sa Italian club Trentino.

Nagpakawala ang Netherlands, na bumawi mula sa straight-set loss sa Tokyo Olympics gold medalist France noong Huwebes para umangat sa 4-3, ng anim na service aces.

“I think we served okay today. We made some mistakes too much, I think,” ani Nimir.

“Good thing we were good in block and defense. Today, the important thing is we didn’t stop fighting,” dagdag pa niya.

Ang Dutch ay may mas maraming blocks kaysa Germans, 15-9, kung saan may pinagsamang pito sina Twan Wiltenburg at Nimir.

Nagdagdag si Gijs Jorna ng 11 points, 16 digs at 9 receptions habang si Bennie Tuinstra ang isa pang player mula sa Netherlands na umiskor ng double digits na may 10 points.

Nahulog ang No. 16 Germany, na nakakuha ng 25 points at 7 digs mula kay Linus Weber, sa 3-4.