DINISPATSA ng Netherlands ang Argentina, 22-25, 25-23, 20-25, 25-19, 15-13, upang matagumpay na tapusin ang Quezon City stint sa Volleyball Nations League kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umahon ang Dutch mula sa 4-8 hole at umabante sa 14-12 sa ace ni Fabian Plak bago naisalba ng Argentinians ang match point mula kay Exequiel Palacios.
Naitala ni Nimir Abdel-Aziz ang match-winner sa isang powerful kill upang makumpleto ang pagbangon ng Netherlands.
Isa sa mga paborito ng fans, si Nimir ay nagbuhos ng 24 points, kabilang ang dalawang iservice aces, nagdagdag si Bennie Tuinstra ng 18 points, 5 receptions at 4 digs, habang nakalikom si Plak ng team-highs five service aces at four blocks para sa 14-point effort para sa Dutch.
Tinapos ng Netherlands ang Week 2 stint nito na may 5-3 record, kung saan nanalo ito sa tatlong matches sa Philippine leg at natalo sa Tokyo Olympics gold medalist France. “It was good. We had a good time here. It was fun. The fans are great. The gym is nice,” sabi ni Nimir.
Ang top seven teams kasama ang host Italy ay aabante sa VNL Finals sa susunod na buwan sa Bologna. Inaabangan na ni Nimir ang crucial stage ng kompetisyon sa Week 3 sa Gdansk, Poland sa susunod na linggo.
“We will see week by week. This week is a hot week. We will recover a little bit and then we will see what we can do in Poland,” ani Nimir.
Ikinatuwa ng Argentina, ang Tokyo Games bronze medalists, ang paglalaro sa Pilipinas.
“It was very amazing. The crowd is so incredible. I’m so happy to come and play here,” sabi ni Agustin Loser, nagtala ng 6 blocks para sa 16-point outing.
Nahulog ang Argentinians sa 2-6 overall at nagtala ng 1-3 sa Quezon City leg.
Samantala, winalis ng world No. 3 France ang Japan, 25-22, 27-25, 25-16, upang manatiling walang talo sa Quezon City leg ng VNL.
Umangat ang Tokyo Olympics gold medalists sa 6-1 papasok sa morning duel sa Germany ngayong Linggo.