VNL: SLOVENIA SINIBAK ANG THE NETHERLANDS

WINALIS ng Slovenia ang The Netherlands, 25-20, 32-30, 25-22, upang matikas na tapusin ang kanilang kampanya sa Volleyball Nations League Week 3 kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nagpakawala si Tine Urnaut ng 2 service aces upang tumapos na may 14 points at nakakolekta ng 5 digs, nagtala si Klemen Cebulj ng 4 blocks para sa 13-point outing habang nag-ambag si Rok Mozic ng 11 points at 5 digs para sa Slovenians.

Katabla ang Brazil sa 8-4 sa sixth at seventh places, ang Slovenia ay nakakuha na ng puwesto sa final round ng VNL sa July 19-24 sa Gdansk City, Poland.

“It’s an important moment for us. It’s an important game so we’re happy to show what we expect from each other.

We played as a team and we’d like to keep it moving forward,” sabi ni Cebulj, na pinangunahan ang second set fightback ng Slovenians.

Nasibak ang Dutch sa top eight sa kanilang ika-7 pagkatalo sa 12 laro.

Nanguna si Nimir Abdel-Aziz pars sa The Netherlands na may 22 points, kabilang ang 2 blocks at 2 service aces, habang gumawa rin si Fabian Plak ng 2 blocks para sa eight-point effort.

Sa unang laro, naitakas ng Canada ang 23-25, 25-21, 25-17, 25-18 panalo kontra China para makaiwas sa posibleng relegation.

Makaraang matalo sa dikit na first-set, kinuha ng Canadians ang sumunod na tatlong frames para sa malaking panalo upang makaiwas sa last-place complications at mapanatili ang puwesto sa VNL na tinatampukan ng top-ranked squads sa mundo.

Ito ang una ngunit pinakamalaking panalo ng world No. 16 Canada sa Philippine leg ng VNL na inorganisa ng International Volleyball Federation (FIVB) at ng Volleyball World.

Tumapos ang Canadians na may 3-9 kartada sa 12th place upang makakawala sa masikip na ilalim ng standings na kinabibilangan ng Iran, Bulgaria at Cuba, na may 2-9 records, at China na may 2-10.

Ang lowest-ranked squad sa 16-team cast ay made-demote sa Volleyball Challenger Cup, na ang mananalo ay makakakuha ng VNL promotion.

-CLYDE MARIANO