NAKAPAGTALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng malaking pagtaas sa mga volcanic quakes ng bulkang Mayon nitong mga nakalipas na araw.
Sa bulletin na inilabas ng Phivolcs, nabatid na nakapagtala sila ng 221 volcanic earthquakes mula ala-5 ng umaga nitong Sabado hanggang ala-5 ng umaga kahapon.
Mas mataas ito kumpara sa naunang monitoring day kung kailan nakapagtala ng 42 volcanic earthquakes.
Sa 221 volcanic earthquakes, 111 ang volcanic tremors, na tumagal ng 28-minuto.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang volcanic earthquakes ay mga isolated events na magkakahiwalay na nagaganap habang ang volcanic tremors naman ay tuluy-tuloy na mga pagyanig.
Nabatid na nakapagtala rin ang Phivolcs ng 58 volcanic tremors mula ala-5 ng nitong Biyernes hanggang ala-5 ng umaga ng Sabado
Samantala, naobserbahan naman ng Phivolcs ang pagbaba ng mga rockfall events mula 201 ay naging 152 at ng pyroclastic density currents (PDC) na mula pito hanggang tatlo na lamang ng Agosto 11 hanggang 12.
Bumaba rin ang sulfur dioxide emissions ng bulkan ng mula 1712.765 metriko tonelada ng Agosto 11 hanggang 724.84 metriko tonelada noong Agosto 12.
Naobserbahan din ang slow effusion ng lava flow na umabot ng 2.8 km sa Mi-isi Gully at 3.4 km sa Bonga Gully, at 1.1 km sa Basud Gully.
Nagkaroon rin ng lava dome collapse sa mga nasabing gullies na na-extend ng 4 km mula sa crater. EVELYN GARCIA