Itinayo ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang isang bagong remote broadband seismic monitoring station sa hilagang-kanlurang bahagi ng Mt. Apo sa lalawigan ng Cotabato.
Tinawag na Apo Volcano Ilomavis, Kidapawan City Observation Station o VAIK, ang istasyong ito ay autonomous, pinapagana ng solar energy at nagpadadala ng real-time seismic data sa pamamagitan ng VPN (Virtual Private Network) nang sabay-sabay sa General Santos Observatory (GSO), Kidapawan Seismic Station at PHIVOLCS Main Office sa Quezon City.
Ang VAIK ay nilagyan ng makabagong Kinemetrics broadband seismic sensor at digital recorder para sa pagsubaybay ng bulkan at lindol.
Ito ang pinakabagong karagdagan sa mga monitoring station na pinamamahalaan ng GSO.
Bago ito inilunsad, isang ritwal ng pagpapatahimik (na lokal na tinatawag na “pomaas”) ang isinagawa ng MADADMA (Manobo Apao Descendants Ancestral Domain of Mount Apo) Council of Elders sa lugar ng VAIK Monitoring Station.
Ito ay bilang paggalang sa mga batas at kaugalian ng mga Manobo sa Cotabato, kung saan bahagi ng kanilang lupang ninuno ang nasabing Monitoring Station.
Ang ritwal o “pomaas” na nagpapakita ng mga pagpapahalaga, kultura at paniniwala ng mga Manobo ay kinapapalooban ng pag-aalay ng puting manok upang mapatahimik at magbigay-galang sa mga espiritung itinuturing na sagrado ng mga ito.
Ayon sa kanilang paniniwala, ang hindi pagsunod sa ritwal na ito ay magdudulot ng parusa at kaguluhan.
Ilang miyembro ng MADADMA Council of Elders ang naroon sa seremonya na pinangunahan ng kanilang pinuno na si Datu Damaso Bayawan.
Ang nasabing pagbabago ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DOST-PHIVOLCS, lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Kidapawan at Probinsya ng Cotabato at MADADMA Council of Elders para maisakatuparan ang misyon ng pagbibigay ng napapanahon, de-kalidad at inklusibong impormasyon at serbisyo para sa babala at disaster preparedness and mitigation.
RUBEN FUENTES