DINOBLE na ng lungsod ng Taguig ang buwanang sahod ng barangay health workers (BHW) na patuloy na naglilingkod at naghahatid ng serbisyong medikal sa komunidad sa kabila ng enhanced community quarantine bunsod ng pandemikong COVID-19.
Ito ay matapos silang i-promote mula sa pagiging volunteers na naging job order personnel simula noong Abril 1.
“Ang salary increase na ito ay isa lamang sa mga paraan upang mapasalamatan natin ang ating mga frontliners, na mula Day 1, ay walang pagod na nagseserbisyo upang masiguro na natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat Taguigeño,” sabi ni Mayor Lino Cayetano.
Sa bagong payment scheme na ito, ipinaliwanag ni Human Resource Management Office (HRMO) head Jeanette Clemente na ang mga BHWs na dating nakatatanggap ng P3,000 ay makatatanggap na ngayon ng P7,900. Sa mga nakatatanggap ng P4,000 ay makapag-uuwi na ng P8,500 ngayon. Ang mga dating nag-uuwi naman ng P5,000 ay makatatanggap na ng P9,700.
Bukod sa pagtaas ng sahod, ang BHWs ay maaari nang magkaroon ng P15,000 kada taon bilang incentive ayon sa kanilang performance.
Ang lungsod ay may pinakamaraming bilang ng BHWs sa buong Metro Manila na ngayon ay 854 na.
Nagtatrabaho rin sila sa 31 health centers at tatlong Super Health Centers na bukas 24/7 sa lungsod sa kabila ng lockdown.
Ang BHWs din ang unang humaharap sa mga taong nangangailangan ng medical assistance mula sa TeleMedicine ng lungsod, na isang platform kung saan maaaring magpakonsulta sa tulong ng internet o text upang maiwasan ang paglabas pa ng kanilang mga tahanan dahil sa ECQ.
Ang Lungsod ng Taguig din ang namamahala sa kanilang mga pagkain at maging ang kanilang transportasyon papasok ng trabaho at pauwi. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM