KINUMPIRMA kahapon ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na mas malala ang mga kaso ng vote buying o pamimili ng boto ngayong midterm elections, kumpara noong 2016 presidential elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, nakatanggap din sila ng ulat na mas mataas ang presyo ng suhulan, kapalit ng boto, ngayong eleksiyon, na mula sa dating P1,000 ay naging P1,500 na ngayon.
“Mas mukhang malala ngayon kaysa 2016. ‘Di ko lang alam kung ito dahil marami lang nahuli, pero sa reports talagang mas marami ngayon,” ani Guanzon, sa panayam sa radyo.
Ipinagtataka rin ni Guanzon kung saan nanggagaling ang mga perang ipinambibili ng boto ng mga kandidato.
Kinumpirma niya na mas marami ring insidente ng vote buying sa local candidates at wala namang ulat na may senatorial candidates na namimili ng boto.
“Saan ba galing ang mga pera na ‘yan? Kung tutuusin, wala namang presidential candidate. Ibig sabihin, lokal ‘to,” ani Guanzon.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Guanzon dahil korap na ang isipan ng mga botante sa ngayon at ang nais ay kumita kapag may halalan.
Nakasaad sa batas na ang mga taong mapapatunayang sangkot sa vote buying ay maaaring maharap sa parusang mula isa hanggang anim na buwang pagkabilanggo.
Madidiskuwalipika rin ang mga ito sa pagkaupo sa anumang puwesto sa pamahalaan at matatanggalan ng karapatang bumoto pa sa mga susunod pang halalan.
Nakatakda nang idaos sa bansa ang midterm elections ngayong Lunes, Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ
80 KATAO HULI SA VOTE BUYING
Mahigit nasa 80 indibidwal na sangkot sa vote buying at selling ang nadakip.
Ayon kay NCRPO Police Chief Dir. Guillermo Eleazar, naaresto ang mga ito simula nang ipatupad ang task force kontra bigay ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Biyernes.
Inilunsad ang naturang task force sa Malabon City, Muntinlupa City, Quezon City at Makati City.
Sa ngayon ay nakapiit sa kani-kanilang police stations ang mahigit 80 lumabag sa election code at posibleng maharap sa kaukulang kaso.
Nangako naman ang Comelec na idi-disqualify ang mga kandidatong mapatutunayang sangkot sa vote buying.
P1-M PAMBILI NG BOTO NAKUMPISKA NG MILITAR
MAHIGIT isang milyong pisong cash money na gagamitin umano sa pamimili ng boto ang nasamsam ng militar na rumesponde sa tawag sa kanila hinggil sa pangha-harass na ginagawa ng mga armadong kalalakihan sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio nasa P1,056,000.00 ang kabuuang halaga ng bungkos bungkos na pera na pinaniniwalaang gagamitin sa vote buying ang inabandona ng mga kalalakihan sa Barangay Dapiwak sa bayan ng Dumingag.
Sa report ng Alpha Company ng 97th Infantry Battalion, Philippine Army, nakalagay ang pera sa paper bag at nakita ito sa tabi ng isang bakanteng bahay.
Nabatid na nitong Sabado ay nakatangap ng tawag ang Philippine Army 97th IB hinggil sa mga armadong kalalakihan at sa kinalalagyan ng inabandonang pera.
Agad na nirespondehan ng mga sundalo ang sumbong hinggil sa nagaganap umanong harassment at nang sapitin ang area na itinawag ng concerned citizen ay biglang nagpulasan ang mga armadong lalaki at iniwan na lang ang mga pera na may kasama pang listahan.
Nakasulat ang mga pagbibigyan ng pera kabilang dito ang P2,000 bawat isa para sa 488 voters na may total na P976,000, P10,000 para sa chairman of the Board of Election Canvassers (BEC) at P3,000 bawat isa para 13 BEC members, o kabuuang P39,000.
Bukod pa ito sa mga ibibigay sa mga purok leader, pinuno ng civilian volunteers at mga tauhan nito at mga poll watcher. VERLIN RUIZ
VOTE BUYING ISUMBONG-DILG
Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko na i-report sa mga awtoridad ang mga insidente ng vote buying sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kinakailangan ng pamahalaan ang tulong publiko para masugpo ang nasabing gawain.
Aniya, kung walang magrereklamo laban sa nangyayaring vote buying, hindi magagawa ng pamahalaan na pigilan ito.
Maaaring i-report ng mga concerned citizen ang mga nasaksihang insidente ng pagbili ng boto sa tanggapan ng Comelec sa kanilang lugar, pulisya o sa NBI.
Aniya, kinakailangan lamang gumawa ng notarized affidavit ng mga magsusumbong kalakip ng mga ebidensiya.
Comments are closed.