VOTER REGISTRATION BUBUKSAN ULIT NG COMELEC

BUBUKSAN  muli ng Commission on Elections (COMELEC) ang voter registration sa susunod na buwan bilang paghahanda sa Sangguniang Kabataan (SK) at barangay elections.

Sinabi ni Comelec acting spokesman Rex Laudiangco na ang pagpaparehistro ay magsisimula sa Hulyo 4 hanggang 23.

Nabatid na may resolusyon na para sa naturang voter registration.

Ang SK at barangay elections ay idaraos sa darating na Disyembre 5.

Paliwanag ni Laudiangco, wala pang isang buwan ang pagpaparehistro dahil nakasaad sa RA 8189, ipinagbabawal ang voter registration 120 araw bago ang eleksiyon.

Magugunitang may mga mambabatas na tumututol sa SK at barangay elections ngayong taon dahil umano’y magastos ito.

Tutol naman ang Caritas Philippines, social action arm ng Simbahang Katolika, sa panukalang ipagpaliban ito.

Katwiran ni Caritas Philippines head at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang pagsuspinde sa naturang halalan ay sumasalamin kung paano minamaliit ng mga lider pulitikal ang kahalagahan ng barangay level politics.