INIANUNSIYO ng Commission on Elections (Comelec) na simula sa Setyembre 1 ay muli na nilang ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng voter registration sa bansa.
Ayon sa Comelec, ipagpapatuloy ang voter registration sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) habang mananatili naman itong suspendido sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sakaling mailagay ang isang lugar sa MECQ at ECQ ay awtomatikong sususpindihin ang voter registration at ibabalik naman kung mabalik na sila sa GCQ at MGCQ.
Nabatid na ang aplikasyon para sa pagpaparehistro ay maaaring isumite mula Martes hanggang Sabado, 8:00AM hanggang 3:00PM sa mga tanggapan ng Comelec.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang mga magpaparehistro na mag-download na ng application form sa website ng poll body na www.comelec.gov.ph.
Pero paalala ni Jimenez, sagutan lamang ang form at huwag munang pirmahan dahil kinakailangan aniyang lagdaan ito sa harap lamang ng election officer sa tanggapan ng Comelec.
Tiniyak naman ng opisyal ang pagpapatupad ng mga kaukulang pag-iingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa muling pagpapatuloy ng voter registration.
Kabilang dito ang paglimita sa bilang ng taong papayagang makapasok sa loob ng tanggapan ng Comelec, pagsunod sa physical distancing at pagtiyak na ang mga aplikante ay may suot na face mask at face shields.
Ipinaalala rin ng Comelec sa mga aplikante na magdala ng sariling ballpen.
Obligado rin anila ang mga magpaparehistro na lumagda sa Coronavirus Self-Declaration Form para sa contact tracing, sakaling kailanganin ito.
Payo naman ng Comelec, sakaling may nararamdamang sintomas ng COVID-19 ay makabubuting ipagpaliban na lamang ang pagtungo sa tanggapan ng Comelec at magpakonsulta sa doktor.
Tiniyak naman ng Comelec na maglalagay sila ng express lane para sa mga nasa vulnerable sector, gaya ng senior citizens, persons with disabilities, at buntis.
Paniniguro pa nito, regular silang magsasagawa ng disinfection at decontamination sa kanilang mga tanggapan at maging sa kanilang mga gamit gaya ng voter registration machine, furnitures at iba pang gamit na madalas hawakan upang matiyak na walang hawahan ng virus na magaganap. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.