VOTER REGISTRATION SA 2 MALAKING MALL SA PASAY, ISASAGAWA SET. 11-30

VOTER REGISTRATION

NAKATAKDANG isagawa ng lokal na Commission on Election (Comelec) sa Pasay ang pagpaparehistro ng mga botante sa dalawang malalaking kilalang mall sa lungsod mula Setyembre 11 hanggang Setyembre 30.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, nakatanggap siya ng sulat galing kay Comelec Election Officer IV Atty. Ronaldo Santiago na humihingi ng tulong sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Public Information Office (PIO) para sa pagpapakalat ng balita tungkol sa iskedyul ng pagpaparehistro ng ng mga botante sa dalawang mall.

Sinabi naman ni Pasay City PIO chief Jun Burgos na nag- iskedyul ng  pagpapareistro ng mga botante sa SM Mall of Asia (MOA) at Double Dragon Mall.

Napag-alaman din kay Burgos na ang iskedyul ng pagpaparehistro sa MOA ay sa Setyembre 11 hanggang 17; Setyembre 22 hanggang 24 at Setyembre 27 hanggang 30 habang ang iskedyul naman sa Double Dragon ay isasagawa lamang sa loob ng dalawang Sabado na Setyembre 18 at 25.

Hinihikayat naman ng Comelec ang lahat ng kuwalipikadong botante na magparehistro para makalahok sa darating na 2022 National and Local Elections.

Ang lahat ng aplikante ay hinihikayat din na i-download at sagutan ang form sa com.gov.ph, irehistro.gov.ph o sa opisyal na Facebook page na OEO Pasay.

Sa pagpaparehistro ay sinabi pa ng Comelec na para sa beripikasyon ay kailangang magpakita ang botante ng valid IDs at iba pang pagkakakilanlan.

Sinabi din ni Burgos na base sa record ng Comelec, 144,784 ang mga rehistradong botante sa District I habang mayroon namang 140,754 botante sa District 2.  May kabuuang 285,538 rehistradong botante sa Pasay noong nakaraang eleksiyon ng 2019.

Dagdag pa ni Burgos na makikita rin sa record ng Comelec noong  Set­yembre 6 ay mayroon nang bagong bilang ng rehistradong botante ang District 1 na may 127,456 at 125,552 namang botante para sa District 2. (MARIVIC FERNANDEZ)

2 thoughts on “VOTER REGISTRATION SA 2 MALAKING MALL SA PASAY, ISASAGAWA SET. 11-30”

Leave a Reply

Your email address will not be published.