NAKATAKDA nang simulan ngayong Lunes, Enero 20, ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng voter registration para sa 2022 National and Local Elections (NLE) sa bansa.
Umaapela si Comelec Spokesperson James Jimenez sa mga botante na samantalahin ang pagkakataon at maaga nang magparehistro upang makatiyak na makaboboto sila sa susunod na halalan.
“Start na sa Monday ang #VoterREg2020. Ano? #MagpaRehistroKa na,” panawagan pa ni Jimenez sa kanyang Twitter account na @jabjimenez.
Nabatid na dapat sana ay Hulyo 6, 2020 pa ang muling pagsisimula ng voter registration para sa 2022 NLE, ngunit ayon kay Jimenez, nagpasya ang Comelec na ipagpatuloy na ang voter registration ngayong araw matapos na tuluyan nang ipagpaliban ng Kongreso ang May 11, 2020 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
“Applications for registration, transfer of registration records, change/correction of entries in the registration record, reactivation of registration rec-ord, and reinstatement of name in the list of voters will be accepted,” anang Comelec.
Maging ang persons with disabilities, senior citizens at mga miyembro ng Indigenous peoples (IP) o Indigenous Cultural Communities at iba pang miyembro ng vulnerable sectors ay maaari na rin umanong magpa-update ng kanilang record mula sa poll body sa mga nasabing petsa.
Nabatid na ang aplikasyon at pag-update ng record ay dapat na personal na isagawa ng botante sa Office of the Election Officer sa lungsod o muni-sipalidad kung saan nakatira ang isang aplikante, mula Lunes hanggang Sabado, kasama ang araw ng holidays, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Hindi naman tatanggap ng aplikasyon ang Comelec sa mga petsang Abril 9 at 10, 2020 na natapat sa araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo; Disyembre 25, 2020 na araw ng Pasko, at Abril 1 at 2, 2021, na natapat rin sa araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Kabilang umano sa mga maaaring magparehistro ay yaong mga tutuntong ng 18-taong gulang hanggang sa araw ng halalan o sa Mayo 9, 2020.
Dapat ring residente siya ng Filipinas sa loob ng isang taon, at anim na buwan nang naninirahan sa lugar kung saan niya nais na bumoto, sa mis-mong araw ng halalan.
Nilinaw naman ng Comelec na ang mga botanteng nakapagrehistro na noong May 13, 2019 midterm elections ay hindi na dapat pang muling mag-apply.
“As per Resolution No. 10635, the Commission has decided top commence the resumption of voters this month instead of on July 6, 2020, in view of the postponement of the May 11, 2020 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections pursuant to Republic Act No. 8189,” anang Comelec.
Muli namang ipinaalala ng Comelec na hindi muna kasama sa mga lugar na magkakaroon ng voter registration ang ilang lugar sa Batangas at Cavite na direktang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12, at pasok sa 14-kilometer danger zone at ilang mga lokalidad na nasa labas ng danger zone pero apektado rin ng ashfall at mga paglindol, kabilang dito ang mga bayan ng Balayan, Calaca, Calatagan, Cuenca, Lian, Lipa, Mabini, San Luis at Tuy sa Batangas, at Tagaytay, Alfonso, Amadeo, Indang at Silang sa Cavite.
Gayundin, suspendido rin muna ang voter registration sa 24 na munisipalidad sa Palawan, na nakatakdang magdaos ng plebisito at maging sa Makilala, Cotabato, dahil naman sa lindol na naganap doon noong Disyembre 15.
Paliwanag ni Jimenez, depende pa sa sitwasyon kung kailan muli ipagpapatuloy ang voter registration sa mga nasabing lugar ngunit tiniyak na kaa-gad nilang iaanunsiyo ang mapagkakasunduang petsa para rito.
Ang registration period ay inaasahang magtatagal hanggang sa Setyembre 30, 2021. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.