SISIMULAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration tuwing araw ng Sabado sa Pebrero 20, 2021.
Sa isang video message sa Twitter, sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang lahat ng indibidwal na hindi maaaring magparehistro ng weekdays dahil kailangan nilang magtrabaho, ay mayroon nang opsiyon na sa araw ng Sabado na lamang magparehistro.
Ayon kay Guanzon, mula Pebrero 20 ay bukas na rin ang mga local offices ng Comelec mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon tuwing araw ng Sabado.
“Starting February 20, from 8:00 [a.m.] to 5:00 [p.m.] ang voter registration. May Sabado na, Tuesday to Saturday, 8:00 to 5:00, starting Feb. 20,” pahayag pa ng Comelec official.
“So wala na kayong excuses dyan mga bata, ‘yung magiging 18 years old sa May 9, 2022 or before May 9, magregister na kayo please. Kaya ginawa itong Saturday registration, para talaga sa inyo,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Guanzon na sarado naman ang mga Comelec offices kung araw ng Lunes dahil inilaan ito sa araw nang pag-disinfect o disinfection day ng mga tanggapan, upang masigurong ligtas ang mga empleyado at magpaparehistro laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Matatandaang dati ay isinasagawa ang voter registration mula Lunes hanggang Huwebes mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon lamang.
Sa pagnanais naman na mas maraming bagong botante ang makapagpatala ay nagpasya ang Comelec na magsagawa na rin ng Saturday voter registration at pahabain pa ang oras nang pagpaparehistro.
Batay sa tala ng Comelec, mahigit isang milyon pa lamang bagong voter application na kanilang natatanggap para sa 2022 elections.
Kakaunti anila ito kumpara sa apat na milyong botante na target nilang mairehistro hanggang sa Setyembre 30, na siyang huling araw ng voter registration.
Una naman nang nanawagan ang mga opisyal ng Comelec sa mga botante na magparehistro upang makaboto sa nalalapit na halalan. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.