VOTERS NA MAY SINTOMAS NG COVID -19, MAKABOBOTO

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na lahat ng rehistradong Filipino kahit pa may sintomas ng Covid -19 ay puwedeng makaboto.

Sinabi ni Comelec Commissioner Erwin George Garcia na may inilaan silang isolation polling precincts kung saan dadalhin at tutulungang makaboto ang mga botanteng makikitaan ng sintomas ng sakit.

Ayon kay Garcia mayroon silang mga medical team na naka-PPE habang nakaabang sa polling precints para umagapay o tumulong na makaboto ang mga kababayan nating may sintomas ng Covid 19.

Paliwanag pa ni Garcia, ang balota para sa isang botanteng may sintomas ng Covid 19 ay dadalhin mismo sa kanya sa isolation polling precinct at agad din itong ibabalik sa orihinal na polling precinct pagkatapos, upang maisali sa bilangan ng boto.

Tiniyak pa ng komisyoner na walang ipagtatabuyan at pauuwiing may sintomas ng Covid 19 sa mismong araw ng eleksiyon nang hindi ito nakaboto. Jeff Gallos