VOUCHERS, SUBSIDIES IBIGAY NA

GRACE POE

HINILING ni Senadora Grace Poe sa pamahalaan na ipa­mahagi na ang fuel vouchers para sa jeepney drivers, karagdagang 10 percent fare discount at iba pang subsidiya para sa mahihirap.

Sa pagdinig ng Senate public services committee sa Albay Provincial Capitol, Sangguniang Panlalawigan Session Hall sa Legazpi City, Albay sinabi ng senadora na malaking tulong ang naturang mga subsidiya sa mga mahihirap mula sa tumataas na halaga ng mga pangunahing bilihin.

Iginiit ni Poe na dapat ay magpalabas na ng guidelines ang pamahalaan para sa implementasyon ng fuel vouchers, dagdag na 10 percent fare discount at iba pang subsidiya sa mga minimum wage earner, walang trabaho at sa may 50 porsiyentong mahihirap na po­pulasyon na hindi ka­yang pasanin ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

“Una, dapat ‘yung mga fuel voucher ay ipa­mahagi na. Pangalawa, bilisan natin ang pagdi-distribute ng pera rito sa unconditional cash transfer kasi may mga ilang porsiyento pang hindi nakatatanggap nito, so kahit papaano ay malaking bagay iyan,” diin ni Poe, chairman ng komite at awtor ng Senate Resolution No. 736 na layong imbestigahan ang epekto ng TRAIN Law sa halaga ng mga produktong petrolyo, transportasyon, kur­yente at tubig.

Nabatid na sa ilalim ng Section 82 ng TRAIN Law,  ang lahat ng jeepney franchise holders ay may karapatang magkaroon ng fuel vouchers, ang mga  minimum wage earner  at 50 percent ng mahihirap na populas­yon ay kuwalipikado para sa fare discounts, discounted National Food Authority (NFA) rice at libreng skills training, samantalang ang may 10 milyong low-income households ay makatatanggap ng P200 kada buwan ngayong taon at P300 kada buwan sa taong 2019 at 2020.

Bukod dito, nanawagan din ang senadora sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para sa agarang pagpapatupad ng mga hakbang na tutugon sa epekto ng TRAIN Law.

“Sana ay gawin na nila kasi wala pang guidelines na nailalabas,” ani Poe.     VICKY CERVALES