CAMP CRAME – HINIMOK ng Philippine National Police (PNP) si Vice President Leni Robredo na magbigay ng suhestiyon at rekomendasyon kung paano pa mapagaganda ang kampanya kontra droga.
Ang paghimok ay ginawa ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen Camilo Pancratius Cascolan matapos na bigyan ng bise presidente ng gradong bagsak ang pamahalaan sa kampanya kontra droga ng gobyerno.
Batay sa bise presidente, isang porsiyento lamang ng 156,000 kilos ng droga na bumaha sa Filipinas noong 2016 ang narekober ng pamahalaan kung saan ang frontliner ay ang PNP.
Pahayag ni Cascolan na taliwas ito sa tunay na datos ng PNP at posible anyang mali ang pagtanggap o interpretasyon ni Robredo sa kanilang ginagawang pagresolba sa droga.
Gayunman, given na aniya ang obserbasyon ni Robredo dahil isa itong politiko habang ang PNP ay apolitical at base sa record ang pinanghahawakan para iulat.
Dagdag pa ni Cascolan, hindi nakikisawsaw sa politika ang PNP at ginagawa lamang nila ang atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang bansa mula sa droga.
Samantala, inihayag din ng heneral na mismong ang bise presidente na rin ang nagsabi noon na nasa ayos ang Oplan Double Barrel, Double Barrel Reloaded at Double Barrel HVT noong panahon na nakaupo ito bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Kung mayroon aniyang komento o suhestiyon ang Bise Presidente ay welcome siya na makipag-usap sa PNP at payag ang PNP na subukan ang mga mungkahi nito. REA SARMIENTO