KAHIT sa araw ng kanyang kapanganakan, pinili ni Vice President Leni Robredo at ng kanyang pamilya na magdiwang at makasama ang masa na kanyang patuloy na pinaglilingkuran.
“Kahit birthday niya pinili niyang makasama ang taumbayan. Para sa kanya ang pamilya nya ay ang mga kababayang Pilipino,” ayon kay dating congressman Erin Tañada, senatorial campaign manager ng Robredo-Pangilinan camp.
Nakahanda na ang lahat sa tinaguriang “grand rally” na gaganapin ngayong Sabado, Abril 23, sa Macapagal Boulevard sa Pasay City. Ito umano ay “regalo” ng supporters ni Robredo sa kanyang kaarawan.
Inaasahan na isang malaking pagtitipon na naman ang magaganap na siguradong dadaluhan ng maraming mga tao, lalo na ng mga bagong supporter ni Robredo.
Maaalala na ilang political leaders sa maraming lugar, kasama na sa Kalakhang Maynila, ang tumalon na sa kampo ng Robredo-Pangilinan tandem nitong mga nakalipas na araw.
“Matindi ang kanyang pagmamahal sa mga tao at sa bayan na kahit sa kanyang birthday pinili niyang makapiling sila,” ayon kay Tañada.
Aniya, ang dedikasyon ni Robredo sa kanyang tungkulin at sa mga taong nasa laylayan ng lipunan ang siyang naghikayat sa maraming mamamayan na suportahan ang kanyang kandidatura.
“She is unstoppable,” ayon kay Tañada. “Laging nasa isip niya ang iba kay sa sarili niya, inuuna niya lalo ang mga taong mas nangangailangan ng kalinga.”
“Alam ni VP Leni ang kanyang ginagawa at ito ay nakikita na ng mga tao,” dagdag ng dating kongresista.
Aniya, ang paninira sa pangalawang pangulo ng kanyang mga kalaban ay nakita na ng mga ordinaryong mamamayan, “kaya bugso-bugso silang sumasama” sa kampanya.
“Makikita naman natin ito sa darating na Sabado,” ayon kay Tañada na naninigurong babahain ng mga ordinaryong mamamayan ang “birthday party” ni Robredo.
Tinagurian ang buong araw na pagdiriwang na “Ang Araw ni Leni, Araw Nating Lahat.”
Ayon sa mga organizer ang lahat ay imbitado sa naturang selebrasyon at hinihikayat ang mga supporter ng bise presidente na mag-imbita ng isang “undecided friend” para sa “Art Jam,” “Street Party,” at “People’s Rally.”
Puwedeng din daw magsuot ng iba’t-ibang kulay na sisimbolo ng mga pangarap: puti para sa kalusugan; asul para sa trabaho; dilaw para sa edukasyon; pula para sa pagkain; pink para sa pag-angat sa buhay; at iba pang mga kulay.