VP SARA HINDI PA RIN DADALO SA PAGDINIG NG KAMARA

Hindi pa rin haharap sa susunod na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Vice President Sara Duterte.

Ang panibagong pahayag ng pangalawang pangulo ay inilahad nito kasabay ng dinaluhang selebrasyon ng 89th Founding Anniversary ng Office of the Vice President sa Mandaluyong City.

Personal na napa-re­ceive kay Sara ang imbitasyon ng komite nang dumalo siya sa pagdinig sa Kamara bilang suporta sa dating pangulong Rodrigo Duterte na sumalang bilang resource person sa Quad Committee kamakailan.

Ayon sa bise presidente, magpapadala na lang ulit sila ng liham para ipaliwanag ang mga rason kung bakit hindi na ito pupunta sa pagdinig na pinangungunahan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua.

Giit nito, hindi naman pinakikinggan ang kanilang mga sinasabi at paliwanag kaugnay sa detalye ng pondo, kaya mas mabuting huwag na silang mag-aksaya ng oras na humarap pa rito.