(VP Sara nakiramay din) AFP CHIEF DUMALAW SA BUROL NG 4 SUNDALONG TINAMBANGAN

MAGUINDANAO DEL SUR- PERSONAL na nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa mga naulilang pamilya ng apat na sundalong tinambangan ng mga teroristang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group sa lalawigang ito.

Kinausap ni Brawner ang pamilya ng mga sundalong nasawi para tiyaking hindi nila lulubayan ang pagtugis sa mga suspek.

Tiniyak din ng heneral na magpapaabot ng tulong ang Hukbong Sandatahan para sa mga pamilya ng apat na sundalong sina Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pvt. 1st Class Carl Aranya at Cpl. Creszaldy Espartero.

Nabatid pa na maging si Vice President Sara Duterte ay bumisita sa burol ng apat na mga sundalo sa himpilan ng 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Nakiramay ang Bise Presidente at isa-isang kinausap ang mga kapamilya ng mga nasawing sundalo.

Nag-alay din ng panalangin si VP Sara sa burol ng apat na mga sundalo at nagbigay din ng cash assistance sa mga kamag-anak.

Malugod namang tinanggap nina Western Mindanao Command Commander, Lt. Gen. William N Gonzales PA at 6ID/JTFC Commander, Major General Alex S Rillera PA si Vice President Sara Duterte sa tahanan ng Kampilan Troopers.

Matatandaan na nasawi ang apat na sundalo makaraang tambangan ng mga teroristang grupo matapos na mamili ng mga pagkain para sa ‘Iftar’ ng mga residente sa Sitio Bagurot, Tuayan Mother, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong Linggo ng umaga.

Una ng kinondena ng 6ID/JTFC at ng buong Philippine Army ang brutal at hindi makatao na pagpaslang sa tropa ng pamahalaan na ang layunin lamang ay protektahan ang mamamayan laban sa mga masasamang elemento.. VERLIN RUIZ