VP SARA TUMANGGING MANUMPA SA HARAP NG HOUSE PANEL

TUMANGGING ma­numpa kahapon sa House Committee on Good Government and Public Accountability si Vice President Sara Duterte at inakusahan ang mga mambabatas na balak umano siyang patalsikin sa pamamagitan ng impeachment gamit lamang ang bud­get hearing bilang isang anyo ng panakip.

Inihayag ng Bise Presidente ang akusasyon sa pagdinig ng komite sa ginawang privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano.

“Witnesses lang po ang ino-oath. Sabi ninyo sa amin ngayon, resource persons kami,” ani VP Duterte.

“What you are witnessing now is no ordinary legislative inquiry.  This exercise is well funded, coordinated and political attack.  This much is evident from the very words of this privilege speech that prompted this inquiry, a speech that simply meant to say, “do not vote for Sara on 2028.”

Ayon sa Bise Presidente, mas pinili niyang huwag idepensa ang 2025 budget ng Office of the Vice President na sa kaniyang sulat ay sinabi niyang ipinauubaya na niya sa liderato ng Kamara ang kapasiyahan ukol sa pondo ng OVP (Office of the Vice President).

Naunang sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng Committee on Good Government na pareho lamang ang “witness” at ”resource person” pagdating sa pagdinig ng Kongreso kung kaya dapat lamang na manumpa bago sumagot o magbigay ng anumang pahayag sa pagdinig.

Ngunit iginiit ni da­ting President at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo nang magpasok siya ng point of order ukol sa pagkakaiba ng resource person at witness sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga nagdaang desisyon ng Korte Suprema.

“The court explains that the right of the accused against self-incrimination also applies for the respondents in the administrative investigative such as in legislative inquiries in aid of legislation.  We cannot just trivialize that pareho na rin iyon witness at resource person but the Supreme Court says that they are not the same,” ayon kay Arroyo.

Hindi napilit ng komite na manumpa ang pangalawang pangulo at sa halip ay binigyan ito ng pagkakataon na magsalita.

Tinalakay ng komite ang privilege speech ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano noong September 3 kung saan hiniling niya sa OVP na magpakita ng katibayan na totoo ang financial beneficiaries sa kanilang mga programa.

“Ang pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang panukalang budget at ang kwestyonable niyang paggastos sa mga nagdaang OVP budgets na sinita ng Commission on Audit (COA) ang mga dahilan kung bakit tayo narito ngayon,” pahayag Valeriano.

Bago magpaalam si VP Sara sa komite, inihayag niya ang kanyang hinala na may nilulutong impeachment laban sa kanya.

“Sa totoo lang, hindi naman ang budget ang puntirya ninyo, dahil napakadali naman magtanggal ng budget. What you are trying to do is make a case for impeachment,” ani VP Duterte.

JUNEX DORONIO