VP SARA TUTOL SA PAGPASOK NG I.C.C. SA BANSA AT 12 LGUs SA E. SAMAR PINARANGALAN NG DILG!

MARIING tinututulan ni Vice President Sara Duterte ang posibilidad na payagan ang International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang alegasyon ng krimen sa Pilipinas.

Ayon kay VP Duterte, ito’y labag sa batas at isang pangmamaliit sa ating mga hukuman.

Ipinaalala niya na ang ganitong hakbang ay hindi lamang labag sa ating Saligang Batas kundi insulto sa ating Hudikatura.

Binigyang-diin ni VP Duterte ang kahalagahan ng pagtangkilik sa ating sariling sistema ng katarungan.

“Huwag nating insultuhin at bigyan ng kahihiyan ang ating mga hukuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa mundo na tayo ay naniniwala na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa ating sariling bayan,” giit ni VP Sara.

Sa kabuuan, ang pahayag ni VP Sara ay nagpapakita ng kanyang mariing suporta sa pagsunod sa batas at pagtatanggol sa kalayaan at soberanya ng bansa laban sa anumang dayuhang interbensyon.

Samantala, ang mga pagpupunyagi at dedikasyon ng 12 munisipalidad sa Eastern Samar sa pagsugpo sa ilegal na droga ay kinilala at hinangaan matapos parangalan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa 2023 Anti-Illegal Drug Abuse Council (ADAC) Performance Awards.

Nitong Miyerkoles, ika-22 ng Nobyembre 2023, ginawaran ng parangal ng DILG ang 12 LGUs mula sa Eastern Samar na kinabibilangan ng mga bayan ng Balangiga, Can-Avid, General MacArthur, Hernani, Jipapad, Lawaan, Llorente, Maydolong, Quinapondan, Salcedo, San Policarpo, at Sulat.

Ang parangal ay ginanap sa Quezon City kung saan 35 LGUs mula sa Rehiyon 8 ang nakakuha ng pakilala.

Ang ADAC Performance Awards 2023, na may temang “Bayang Pinag-isa ng Diwa Laban sa Ilegal na Droga,” ay nagbibigay ng prestihiyosong pagkilala sa mga LGUs na nangunguna sa pagsasakatuparan ng mga programa, proyekto, at aktibidad sa lokal na ant-ilegal na droga.

Sa mga bayan ng Eastern Samar, ito ay hindi lamang isang parangal kundi isang patunay ng kanilang malasakit sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga mamamayan.
Batay sa pahayag ng DILG-E. Samar, ang pagpili sa mga LGU ay isinagawa batay sa rekomendasyon ng kanilang mga ADAC, kung gaano kahusay ang mga ito sa pagpapatupad ng kanilang mga programa, at kung gaano katatag ang kanilang drug-free o drug-cleared status.

Sinasabing ang mga pinarangalang bayan ay nagtagumpay sa pagtamo ng 100 puntos sa ADAC audit at pumasa sa national calibration.

Isa sa mga kahanga-hangang bahagi ng pagkilala ay ang pagtanggap ng bawat bayan ng glass markers at P100,000 na insentibo mula sa DILG.

Masasabing naman na ito ay hindi lamang isang premyo kundi patunay din ng suporta ng pamahalaan sa mga lokal na gobyerno na nagtatrabaho nang husto para sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga komunidad.