NAGPALABAS ng vulnerability assessment ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng Manila Bay rehabilitation.
Ito ay upang maging matagumpay ang isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay na kinakailangang palakasin ang pagpapatupad ng solid waste management program, higpitan ang pagbabantay sa mga pabrikang nagtatapon ng dumi sa tubig at ang pagkakaroon ng reforestation ng watershed at mangrove areas.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, sa pamamagitan ng isinagawang pag-aaral ay madaling matutukoy ng gobyerno at ng iba pang stakeholders ang mga dapat tutukan sa isinasagawang rehabilitasyon.
Sa pag-aaral na ito na pinangunahan ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB) ng DENR, agad matutukoy kung ano ang mga dapat gawin para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
“We at the DENR believe that by investing in studies such as this, we would be able to find better solutions in solving not only the problem in Manila Bay, but also other issues within our mandate,” saad ni Cimatu.
Ibinahagi ni ERDB supervising science research specialist Jose Isidro Michael Padin ang resulta ng Manila Bay Vulnerability Assessment sa ginanap na kauna-unahang Annual Technical Seminar ng ahensiya na idinaos noong Hunyo 17.
Ayon kay Padin, naging tagapagsalita ng kanilang team leader na si Dr. Carmelita Villamor, kinakailangang magkaroon ng mas maraming materials recovery facilities (MRFs) sa tatlong rehiyon na nakasasakop sa Manila Bay para sa tamang pagtatapon ng basura.
“Government agencies must uphold stricter implementation of solid waste management programs not just in the coastal areas of the bay, but for the entire Manila Bay watershed as there is little or no active public participation in source reduction and segregation activities among local government units,” pagdidiin pa ni Padin.
Aniya, kinakailangang palaging bantayan ang mga industrial and commercial establishments upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa umiiral na batas tungkol sa tamang pagtatapon ng basura.
Idinagdag pa nito na kailangang tutukan ang natitirang ecosystems partikular ang sa kanlurang bahagi ng Manila Bay sa pamamagitan ng reforestation.
“Reforestation of abandoned fishponds and sparsely vegetated mangrove forest can be done, alongside proper maintenance and protection of remaining mangrove stands,” dagdag pa ni Padin.
Kamakailan ay natuklasan ng ERDB na karamihan sa coral ecosystems sa Manila Bay region ay buhay pa sa kabila ng environmental and human pressures.
Karamihan sa natagpuang coral ay nasa Maragondon at Ternate sa Cavite at sa mga isla ng Corregidor at Caballo.
Sinabi naman ni Cimatu na malaki ang pag-asa na maibalik sa dati ang ganda at linis ng Manila Bay dahil sa natuklasang live coral cover. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.