NILINAW kahapon ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi dapat na i-single out ang mga buffet at hot pot restaurants bilang mga lugar kung saan mabilis mahawa ng 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.
Ang pahayag ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na siyam na miyembro ng isang pamilya sa Hong Kong ang dinapuan ng COVID-19 matapos na maghatian ng hot pot meal.
Sa isang pulong balitaan kahapon ng tanghali, sinabi ni Vergeire na wala namang direktang ebidensiya kung saan nagmula talaga ang virus at maaari aniyang makuha ito kahit sa ibang lugar.
“We cannot say na tama po ‘yan na kapag sa mga buffet and shabu-shabu kasi hanggang ngayon naman po wala pang direct evidence kung saan nag-originate talaga. Marami pa hong hindi nasasagot ngayon ang siyensya,” ayon pa kay Vergeire.
Paliwanag niya, maaari rin naman kasing naubuhan ang mga ito ng isang pasyente kaya’t nahawa ng sakit ngunit hindi lamang nila napansin.
“Kung anuman po ang ating mga ibinibigay na advisory para sa pag-iwas, these are general precautions hindi ho natin kailangan tukuyin na kapag ikaw ay nag-buffet, kapag ikaw ay nagshabu-shabu ikaw ay makakakuha ng sakit,” dagdag pa ni Vergeire.
“General precautions mean kapag maraming tao, siyempre gusto natin umiwas. Hindi naman ho sinasabi o minamandato na huwag kayo pupunta sa mga ganiyan. Hindi po natin sinasabi ‘yan sa ngayon,” paliwanag pa niya.
Nanawagan rin naman si Vergeire sa lahat na maging responsable sa pagbabahagi ng mga impormasyon hinggil sa transmission ng COVID-19 dahil posible aniya itong magdulot ng hindi magandang impact sa naturang food service industry.
Pinaalalahanan din ng health official ang publiko na palagiang maghugas ng kamay, magkaroon ng tamang cough etiquette, at maging maingat upang hindi dapuan ng virus, na maaaring maisalin sa pamamagitan ng direct contact o respiratory droplets.
“Anywhere you can get it (virus). Kahit saan pwede mong makuha,” aniya pa.
Matatandaang sa Filipinas, tatlo na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, na pawang Chinese nationals na mula sa Wuhan City sa Hubei, China, na itinuturing na pinagmulan ng karamdaman.
Sa naturang bilang, isang lalaki ang namatay habang dalawang babae naman ang nakarekober na at nakabalik na sa kanilang bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
PUIs 171 NA LANG, 350 PUIs NAKAUWI NA
Bumaba na sa 171 ang mga patients under investigation (PUIs) na naka-admit sa iba’t ibang pagamutan sa bansa habang umakyat naman sa 350 ang mga PUIs na pinayagan nang makalabas mula sa mga pagamutan at makauwi ng kani-kanilang tahanan matapos na magnegatibo na sa 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.
Ito ang magandang balitang iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) sa isang punong balitaan kahapon ng tanghali, na pinangunahan ni Health Assistant Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire.
Sa kabila naman ng naturang ‘decreasing trend,’ tiniyak ng DOH na hindi pa rin sila magiging kampante at sa halip ay patuloy na magiging vigilante sa kanilang kampanya laban sa COVID-19.
“The decrease in our admitted PUIs reflect the Department’s strengthened surveillance, assessment, and management interventions for the COVID-19 Health Event. Although we see a decreasing trend, the Department will not be complacent and will be more vigilant as we brace for the possibility of local transmission in our country,” ani Health Secretary Francisco Duque III, sa isang pahayag na binasa ni Vergeire sa media.
Nabatid na hanggang 12:00 ng tanghali ng Lunes, Pebrero 17 ay nasa 453 PUIs na rin ang nag-negatibo sa virus, at nasa 22 kaso na lamang ay may nakabinbin pang test results, ngunit mayroon pa rin aniyang mga pasyente ang hindi nakakapagsumite ng kanilang specimen para sa pagsusuri.
Kaugnay nito, muling pinayuhan ng DOH ang publiko na manatili pa ring maging vigilante, gawing regular ang paghuhugas ng kanilang mga kamay, at obserbahan ang cough etiquette, na nananatili pa ring pinakamabisang pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Hinikayat din ng kalihim ang mga mamamayan na makipagtulungan sa DOH upang tuluyan nang ma-eliminate ang banta ng COVID-19 sa bansa.
Nananatili pa rin sa tatlo ang confirmed cases sa bansa at umaasa ang DOH na hindi na madaragdagan pa ang naturang bilang.
Samantala, iniulat ng DOH na ang lahat ng 49 repatriates mula sa Hubei Province sa China, na nasa quarantine facility sa New Clark City ay hindi pa rin kakikitaan ng sintomas ng anumang respiratory illness.
Tiniyak din naman nila na ang mga repatriates ay istriktong mino-monitor dalawang beses sa isang araw at naaalagaang mabuti.
Hinggil naman sa isyu ng contact tracing na kanilang isinasagawa, iniulat ng DOH, na hanggang nitong Pebrero 17, iniulat ng Epidemiology Bureau na 280 contacts na ng first at second confirmed cases ng COVID-19 ang kanilang nakapanayam.
Ang 221 umano sa mga ito ay nakakumpleto na ng kinakailangang home quarantine procedure, habang 14 pa ang naka-home quarantine.
Ang natitirang 45 contacts ay na-admit bilang PUIs matapos na makitaan ng sintomas ng sakit.
Gayunman, 31 na sa mga ito ang nakalabas na rin ng pagamutan, dalawa ang nananatili pang nasa pagamutan, anim ang under strict monitoring, at anim ang nakalabas na bansa.
Sa ikatlong confirmed case ng COVID-19 naman, kabuuang 255 (34%) ng 740 contacts ang natukoy na, kabilang ang mga co-passengers at mga individual contacts mula sa mga hotels at hospitals na pinuntahan nito.
Sa kasalukuyan, 172 o 67% ng mga traced contacts, na ang nakapanayam ng DOH, at 155 sa kanila ang nakakumpleto na ng home quarantine.
Tiniyak naman ng DOH na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga concerned local government units (LGUs) upang mapabilis ang isinasagawa nilang contact tracing para sa 3rd confirmed case ng sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.