TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi gagalaw ang presyo ng mga pangunahing kailangan ngayong mainit ang usapin ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa bansa.
Sa idinaos na weekly Report to the Nation media forum ng National Press Club, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi magtataas ang presyo ng mga items gaya ng alcohol, sanitizers, vitamins o maging mga surgical mask na pinag-aagawan ngayon sa drugstores.
Aniya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga pangunahing drugstore katulad ng Mercury Drug, Watsons at iba pang botika kaugnay sa naturang supply ng mga nasabing items partikular ang mga surgical masks.
Kasunod nito, pinayuhan naman ni Lopez ang publiko na huwag mag-panic buying sakaling maubusan ng nabibiling face masks sa merkado.
Aniya, mayroon namang agarang solusyon sa sinasabing nagkakaubusan ang supply ng face masks, al-cohol, alcogel at sanitizers bukod pa sa madali lamang mag-produce ng mga produktong ito.
Hinimok din ng DTI chief ang retailers na bumili na ng bulto-bulto bunsod ng tumataas na demand ng surgical masks, alcohol at sanitizer kasunod ang paalala na huwag lamang magpatupad ng pagtataas ng presyo dahil patuloy ang monitoring ng DTI Price Monitoring Team na aniya’y maaaring maharap sa mga karampatang kaso sakaling masangkot ang mga negosyante sa pananamantala o overpricing.
Nakatakda namang suyurin ng DTI ang hilera ng drug dtores sa bahagi ng Bambang na nasa tapat ng DOH bunsod ng sunod-sunod na mga napapaulat na may hoarding at overpricing ng face masks sa lugar.
Nauna rito, nitong kamakalawa lamang ng kumpirmahin ng Department of Health na may isang kaso na ng nCoV sa bansa kung kayat naalarma na ang publiko sa pagbili ng mga face masks sa iba’t ibang drug stores.
Samantala, binalaan naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na huwag mag-alala sakaling nauubusan ng nabibiling face masks sa merkado.
“Hindi naman dapat na sila ay magtaas ng presyo. Kasi kung hindi naman tumaas ang manufacturing cost niyan hindi dapat tumaas ang presyo,” pahayag ni Lopez.
Sinabi pa ni Lopez na ang N95 mask ay hindi dapat lalampas sa P100 at ang surgical mask naman ay dapat P8 lang.
Dagdag pa ni Lopez na ang out of stock na sitwasyon sa face masks at disinfectants sa mga stores ay pansamantala lamang.
Sinabi pa ni Lopez na ang bansa ay marami namang manufacturer ng mga naturang produkto.
Dahil dito, namigay si Mayor Isko Moreno ng may 500,000 face masks sa mga mag-aaral mula sa public elementary, high school at college sa siyudad.
Nagbigay rin si Moreno ng 6,200 face masks sa San Lazaro Hospital kung saan may ilang suspected corona virus cases ang ginagamot dahil isa ito sa may kakayahan sa mga ganitong uri ng epidemya.
Nanawagan din ang alkalde na “don’t panic, don’t hoard,” sa publikong bumibili ng face mask at sa mga nagtitinda na sinabing nagsasamantala sa malaking demand ng mga face mask.
Nabatid na muntik nang mauwi sa kaguluhan ang pagbili ng mga face mask ang libo-libong mamimili sa Bambang sa Sta. Cruz, Manila para lamang bumili ng face masks nang magkaroon ng tensiyon nang magdeklara ang mga may-ari ng tindahan na wala nang stock. BENEDICT ABAYGAR, JR., VERLIN RUIZ, MA. ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.