‘WAG MUNA BUWISAN ANG ONLINE SELLERS- YAP

Rep Eric Go Yap

NAKIUSAP si ACT-CIS Cong. Eric Yap sa pamahalaan na huwag muna buwisan ang mga online seller ngayong panahon ng pandemya, lalo na ang mga maliliit ang income, kahit na kailangang-kai­lagan pa ng gobyerno ng pondo ngayon dahil sa COVID-19.

Ayon kay Cong. Yap, chairman ng house committee on appropriations, dapat pag-aralan munang mabuti ng Department of Fi-nance at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang plano dahil marami ang maaapektuhan lalo na sa mga maliliit na nagbebenta ng mga gamit o pagkain sa internet.

“Karamihan kasi ngayon nagbebenta online para maitawid lang ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw-araw matapos mawalan nga ng trabaho dahil sa virus na ito”, ani ni Yap.

Dagdag pa niya, dapat linawin ng DOF at BIR kung sino ‘yung mga dapat magbayad ng buwis at sino ang hindi at kung ito ba ay depende sa kung magkano ang kanyang kinikita.

Aminado ang mambabatas na walang kapera-pera ang gobyerno nga­yon at kailangan nito ng pagkukunan ng pondo para pangsweldo sa mga kawani ng pamahalaan, pondo para sa mga proyekto at operating expenses sa susunod na taon.

Ang suhestiyon ni Yap, “halimbawa, kung nagbebenta lang siya ng sariling gamit,  nagkokomisyon lang tulad ng mga nagbe-benta ng mga factory-made face masks, mga produkto na gawa lang sa bahay tulad ng pagkain o iba pang maliliit na gamit…dapat hindi na sila buwisan lalo na kung hindi naman siguro hihigit pa sa  P30,000 ang kinikita niya sa isang buwan”.

“Besides, yung kikitain naman nila sa ma­liit na negosyo sa online selling, gagamitin din naman nila pambili ng mga gamit o pagkain ng pamilya kaya babalik din sa ekonomiya ang pera”, dagdag pa ng bagitong mambabatas.

Ang dapat aniyang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ‘yung mga malalaking mga malls, supermarkets, restaurants, boutiques, at iba pang tindahan na nasa online business na rin ngayon na milyon-milyon ang kinikita sa isang buwan bawat isa. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.