HINDI pabor si ACT-CIS Cong. Eric Yap sa face to face classes ng mga bata sa mga lugar na tinawag na “new normal” o wala ng quarantine restriction.
Ayon kay Cong. Yap, Chairman din ng House Committee on Appropriations, wala rin sigurong magulang na papayag na pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak dahil sa nariyan pa ang virus na COVID-19 at wala pang bakuna laban dito.
“Sabihin na natin na nasa new normal na ang isang lugar, pero ano ang garantiya na hindi babalik ang COVID-19, lalo pa’t labas masok ang mga tao doon.” ani Yap.
Sinabi ni Yap, dapat munang pag-aralang mabuti ng DepEd, bago ito ipatupad dahil tiyak ba ilan sa mga mag-aaral na hindi makasusunod sa social distancing o pagsuot ng face mask lalo pa kung sila ay naglalaro.
Una dito ay inirekomenda ng DepEd sa Pangulo na maaari na ang face to face classes sa mga lugar na wala ng quarantine restrictions.
Anang mambabatas, posibleng dapuan at kapitan ng nakamamatay na virus ang mga mag-aaral kapag ipinatupad ang face to face classes.
Umapela si Cong. Yap sa DepEd na magsagawa ng masusing pag-aaral hinggil dito upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.