WAG NANG KUMUDA, TUMULONG AT ‘WAG MAMOLITIKA: YORME ISKO

EVERY year ay dinadalaw at hinahagupit tayo more or less ng 20 bagyo at hindi biro ang pinsalang idinudulot nito sa ating bansa.

Libo-libong tao, hayop ang pinapatay ng mga bagyong ito; bilyon-bilyong pisong halaga ng pananim, libo-libong bahay, mga tulay, mga kalsada, dam at iba pang infrastructure ang winawasak ng bagyo, pwera pa ang lindol, pagsabog ng bulkan at mga sunog at pagbaha.

Nakatayo kasi ang Pilipinas sa tinatawag na typhoon belth sa Pacific, at malas naman, madalas na daanan at pinsalain ng bagyo ay Eastern Visayas, Bicol region, Southern, Central at Northern Luzon.

Mas maswerte ang Visayas at Mindanao na bihirang-bihira na bisitahin ng mga bagyo.

Pero ngayong taon, binisita ng bagyong Odette ang Western Visayas at Mindanao na sinusulat natin ito, maraming lugar ang nasalanta, walang koryente, wala pang linaw ang dami ng namatay, nawawala at ang dami ng nasirang bahay, pananim at ari-arian at mga government structures.

For the record, itong Typhoon Yolanda ang pinaka-deadliest na bagyong humagupit sa atin noong Nobyembre 8, 2013 na mahigit sa 6,300 ang namatay – marami sa mga bangkay ay hindi na natagpuan pa.

Sa taya ng gobyerno, mahigit sa P95.5 billion ang sinalanta ni ‘Yolanda’ na hanggang ngayon, kitang-kita pa ang perwisyo nito, at ang eskandalo ng hinalang maraming opisyal ng gobyerno ang nagkamal ng nakaw na yaman mula sa pondong inilaan ng gobyerno at bilyong-bilyong piso donasyon ng ibang bansa.

Iba pang bagyong puminsala sa bansa ay: Uring, Nov.4-7, 1991, at 5,101 deaths; Pablo, December 2-9, 2012 at ang namatay ay 1,901 at Angela, September 22, 1867, na mahigit sa 1,800 Pinoy ang namatay.

Sa laki ng danyos, sa Yolanda noong 2013, umabot sa P95.5 billion ang nasira; at 2013 din, natunaw ang P43.2 billion gawa ni Pablo; Glenda, 2014, Ph38,6 billion; at noong 2018, umabot sa P27.3 billion ang nawala sa magkasunod na bagyong Ompong at Peping.

Nasabi noon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na dapat noon pa ay magtayo ng isang department na tututok sa pag-rescue, pamamahagi ng tulong, at iba pang may kaugnayan sa rehabilitasyon, ayuda sa mga nawalan ng bahay, napinsala ang mga pananim at umalalay sa mga namatayan at mga biktima ng kalamidad.

Nangyayari kasi, kani-kaniya ng tulong ang DSWD, National Disaster Risk Reduction Management Office, DoH, DPWH at ang local government disaster risk reduction management office, kaya wala o kulang o nagkakagulo sa coordination, at ang resulta, mabagal na kilos at korapsiyon sa paghawak, paglikom at pamimigay ng tulong.

Sana gawin ang ganitong departamento kung si Yorme Isko ang palaring maging pangulo sa 2022.

o0o

Ay kung bakit naman itong ilang aspirante sa pagka-pangulo, aba, binanatan si Yorme Isko na pinopolitika raw itong nangyaring pinsala ni Odette, kasi raw iyong fund raising campaign para sa mga biktima ng bagyong Odette ay baka raw gamitin sa kampanya nito.

Susmaryosep naman, imbes na tumulong ang iba riyan, nagpaparatang pa ay wala namang maitulong.

Kahit noon pa, kilala na si Yorme Isko sa pagtulong sa mga kababayan natin, dear readers.

Noong December 2019 pumutok ang Taal Volcano, hindi lang nagpadala ng ambulansiya, mga crew ng Manila City DRRMO ang nagpunta roon, kasama ang mga doktor at nars na tumulong sa mga biktima ng abo at sakit sa mga evacuation center.

Namigay pa ang Maynila sa utos ni Yorme Isko ng face masks, pagkain, gamot, tubig, damit, underwear, kumot, blanket at mga bitamina, kasama ang iba pang tulong na salapi na kaloob ng city government.
Basta may kalamidad, pagbaha, sunog, at iba pang sakuna, nandiyan lagi si Yorme na pati ang sariling bulsa ay binubutas para mag-abot ng tulong noon pa man, e di lalo na ngayong maraming pininsala ng bagyong Odette.

Si Yorme, agad nga, inutusan ang City Council na maglaan ng pondo na inokeyan agad ang P2.5M para itulong sa mga binagyo, at mula sa sariling bulsa, nag-ayuda ng P1-M para sa mga nasa evacuation center sa Cebu ito ay bukod sa P1-M na kaloob ng Manila City government.

Ang maganda pa, nang manghingi ng tulong sa kapwa Manilenyo, sa mga kaibigang negosyante at kaibigan sa ibang lugar, hindi napahiya si Yorme at dumagsa ang donasyong pagkain, pera, gamot, at iba pa na ngayon, 24 oras ay panay ang pagrerepake ng mga supporters at volunteers para ipadala ang relief goods sa mga biktima ni Odette.

Yan ang bilis-kilos na Team Isko, hindi tulad ng iba riyan, kuda lang nang kuda, panay lang ang pa-media, pero ano ang naitulong e di nganga lang ang mga umaasang biktima.

o0o

May pakiusap si Yorme Isko sa Insurance Commission na madaliin ang mga insurance companies na tulungan ang mga kliyente sa pagkakaloob ng bayad sa mga nakaseguro na nawalan ng bahay, nawalan ng ari-arian dulot ng bagyong si Odette.

Wag nang patagalin pa at kawawa ang mga tao na ngayon kailangan ang madaliang tulong.

Pati ‘yung mga naging biktima ng hacking at nawalan ng pera sa BDO, aba naman, Bangko Sentral ng Pilipinas, magpakita naman kayo ng pangil at ipatupad ang batas sa pagseguro na ligtas ang pera ng mga depositor.

Ang nakakainis pa, pinapipirma pa ng BDO ng quit claim ang mga depositor bago ibalik ang nanakaw nilang pera.

E bakit parurusahan ang kliyente na nagtiwala sa security ng pera nila sa kapabayaan sa pangangalaga sa pera ng depositor.

May mga pumirma ng quit claim, na ibig sabihin, kung may pananagutang kriminal ang bangko at ang mga hacker, hindi na sila maghahabol ng danyos.

Paano kung nakompromiso ang mga pribadong impormasyon tungkol sa pagkatao, trabaho, tirahan at iba pang bagay na personal sa depositor, hindi na puwedeng magsampa ng kaso sa bangko o sa mga taong may kagagawan ng hacking?

Kilos BSP, kilos NBI, kilos ang mga mapapel na senador diyan.

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].