MARAMI ang bumabatikos sa umano’y malaking ginastos ng gobyerno sa pagtatayo ng New Clark City Sports Complex sa lalawigan ng Tarlac. Ang nasabing sports complex, na itinayo para sa pag-host ng ating bansa sa 30th Southeast Asian Games, ay isa sa iba’t ibang lokasyon na gagamitin ng mga atleta na lalahok sa nasabing kompetisyong pampalakasan na ginaganap tuwing dalawang taon.
Ang New Clark City Sports Complex ay nagkakahalaga umano ng P13 billion. Kasama rito ang isang napakalaking athletic stadium na may 20,000 seats, isang modernong aquatics center na may kapasidad na 2,000 seats at pitong gusali na tinawag nilang athlete’s village upang tirahan ng mga atleta na lalahok sa paligsahan.
Kasama rito sa New Clark City Sports Complex ang kontrobersiyal na ‘kaldero’ o cauldron na sisindihan bilang simbolo ng pagsisimula ng kumpetisyon sa 30th SEA Games. Marami ang bumatikos dito dahil sa umano’y napakamahal na presyo sa paggawa nito. P50 million daw ang halaga nito.
Sana naman ay huwag nating haluan ng politika ang SEA Games. Kung tunay na may anomalya sa paggastos sa mga imapraestruktura para rito, huwag tayong maging utak talangka kung saan ang talangka na umaakyat palabas sa isang balde ay pilit na hinihila ng isa pang talangka upang hindi makaahon.
Nandiyan naman ang Commission on Audit (COA) upang suriin ito. Huwag nating sigurong pangunahan ang COA. Malaki ang tiwala ko sa COA. Walang sinisino ang nasabing ahensiya. Matatandaan na naglalabas sila ng mga ulat tungkol sa mga kuwestiyonableng gastusin ng ating mga ahensiya. Nandiyan ang ulat sa bidding ng Kaliwa Dam na isinagawa ng MWSS. Nandiyan din ang ulat ng maling paggastos ng Korte Suprema sa ilalim ng natanggal na Justice Maria Lourdes Sereno. Pati ang DepEd ay may nakitang mga kuwestiyonableng paggastos ng kanilang pera. Lalabas at lalabas ang anomalya sa paggastos ng pera ng bayan sa preparasyon sa SEA Games kapag isinumite na ito sa COA.
May magandang panukala si Sen. Sherwin Gatchalian. Positibo ang kanyang tingin sa isyung ito. Ayon sa kanya, hindi masasayang ang New Clark City Sports Complex pagkatapos ng SEA Games. Gagamitin daw ang pasilidad na ito sa development ng isports sa ating bansa.
Si Gatchalian ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture. Sinabi niya na pagkatapos ng SEA Games ay maaring gamitin ito. Sa panukala niya, magtataguyod ng National Sports High School para sa mga may potential na batang Filipino na maaring maisama sa ating national sports program development. Hindi raw ito masasayang dahil pakikinabangan ito ng ating mga manlalaro.
Si Gatchalian ay isa sa mga author at nag-sponsor ng nasabing panukalalang batas na magtatayo ng Philippine High School for Sports (PHSS). Ito ay upang mag- develop ng mga manlalaro natin sa pamamagitan ng physical education at mga subject sa sports. Maaari rin daw magamit ang New Clark City Sports Complex bilang training ground o pag-eensayo ng mga kasalukuyang atleta ng national team.
Maganda ang lahat ng mga ito. Subalit ang pinakamahalaga ay ang mga mamumuno at mamamahala sa sports complex na ito. Kapag mahina o kurap ang hahawak ng New Clark City Sports Complex, talagang sa pansitan pupulutin ang nasabing mahal na imprastraktura.