NANANAWAGAN na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kompanya ng bus na sundin ang two-tier wage system, o isang panuntunan sa pagpapasuweldo kasunod ng implementasyon ng mandatory minimum wage setting para sa boluntaryong productivity-based pay.
Kasunod ito ng kautusan ng Supreme Court na nagpapatibay sa DOLE Department Order No. 118-12 na nagtatakda ng fixed salary para sa mga driver ng public utility bus at mga kundoktor na hindi dapat bababa sa itinatakdang minimum wage sa kanilang rehiyon.
Inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) na paigtingin ang information drive at magbigay ng technical assistance sa mga kompanya ng bus upang bumuo ng panuntunan para sa part-fixed, part-performance compensation scheme.
Sa isang ulat kay Bello, sinabi ng NWPC na mayroong kabuuang 261 kompanya ng bus ang natulungan na ng Regional Tripartite Wage and Productivity Boards (RTWPBs) kaugnay sa pagbuo ng panuntunan para sa compensation scheme para sa 2012-2018.
Ang NWPC Operational Guidelines para sa D.O. 118-12 ay nagsasaad ng panuntunan sa pasahod at ang fixed component ay hindi dapat bababa sa minimum wage at dapat na bayaran sa pamamaraang legal.
Ang mga driver at kundoktor ay mayroon ding karapatan para sa lahat ng mandatory wage-related benefit, tulad ng overtime pay, nightshift differential, service incentive leave, 13th month pay, holiday pay, at premium pay.
Samantala, ang performance pay ay dapat na nababatay sa kita, dami ng pasahero, safety, kondisyon sa ruta at iba pang kaugnay na sukatan.
Ang mga may-ari ng bus at mga operator ay kinakailangan na magsumite ng kanilang compensation scheme sa RTWPB na nakasasakop sa kanilang lugar ng negosyo ng PUB.
Nakatakda na ring makipagpulong ang kagawaran ng paggawa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang pag-usapan ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensiya upang ipatupad ang LTFRB Memorandum Circular No. 2012-01, na naglalayong matiyak ang road transport safety sa pamamagitan ng pagsunod sa labor standards at franchise regulation.
Ang memorandum circular ay nag-aatas sa mga PUB na magsumite ng Labor Standards Compliance Certificate na inisyu ng DOLE bilang requirement upang mabigyan sila o para sa renewal ng kanilang Certificate of Public Convenience.
Isinasaad din dito na sa oras na mabigo ang mga ito sa nasabing mga requirement ay maaari silang patawan ng cancellation o revocation ng kanilang CPC.
Samantala, inatasan na rin ni Secretary Bello ang Bureau of Working Conditions na i-monitor at ipatupad ang lahat ng labor laws at standards na isinasaad sa ilalim ng D.O. 118-12. PAUL ROLDAN
Comments are closed.