PINURI ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga concerned government agencies hinggil sa implementasyon ng small business wage subsidy (SBWS) program para sa small businesses, bilang bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na masuportahan ang middle class at mabawasan ang matinding epekto sa ekonomiya ng coronavirus disease (COVID-19) emergency.
“Nagpapasalamat po tayo sa ating finance agencies dahil dininig nila ang ating apela na suportahan ang mga MSMEs. Tulungan natin ang mga ito na buhayin ang kanilang negosyo dahil sila rin ang bubuhay sa ating ekonomiya lalo na kapag natapos na ang krisis na ito,” ani Go.
Sa isang televised meeting na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes, Abril 13, iniulat ng ilang concerned agencies na ilang small businesses ang napilitang magsagawa ng tigil operasyon habang ang iba ay nakapag-operate sa pamamagitan ng skeletal forces, bilang resulta ng enhanced community quarantine.
Dahil dito, gumawa ng mga pamamaraan ang pamahalaan, kabilang na ang SBWS program, upang matulungan ang mga maliliit na negosyo na labanan ang impact ng health emergency.
Nagtakda naman ang Department of Finance ng mga guidelines na siyang tutukoy kung aling nga kompanya ang kabilang sa ‘small business’ at eligible para sa wage subsidy.
Magkakaloob ang pamahalaan ng wage subsidy sa halagang nasa pagitan ng P5,000 hanggang 8,000 kada eligible na manggagawa ng mga naturang negosyo, na apektado ng ECQ sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Inaasahang aabot sa 3.4 milyong manggagawa ng MSME employees na tinukoy at na-assess ng Bureau of Internal Revenue at Social Security System ang makikinabang dito.
Upang maiwasan naman ang duplikasyon at matiyak na mas maraming Pinoy ang makikinabang mula sa iba’t ibang programa ng pamahalaan, sinabi ni Go na ang mga benepisyaryo ng subsidy program para sa MSME employees ay dapat na iba mula sa 18 milyong mahihirap na pamilya na tinulungan nh Department of Social Welfare and Development.
Hindi rin dapat na mag-overlap ang mga naturang manggagawa sa mga affected workers na tinulungan naman ny Department of Labor and Employment.
Bukod sa wage subsidy program, ang pamahalaan, sa pamamagitan ny Republic Act No. 11459 o ang “Bayanihan to Heal as One Act”, ay nagpatupad ng mga pamamaraan upang tulungan ang mga maliliit na negosyo, gaya nang pagbibigay ng extensions sa tax filing at payments, minimum 30-day grace period sa pagbabayad ng loans, at minimum 30-day grace period sa pagbabayad ng renta.
“Sisiguraduhin din natin na walang maiiwan na Pilipino (sic). Lahat ng apektado ay tutulungan natin sa abot ng ating makakaya. Magbayanihan po tayo. Together, we can heal as one,” pahayag pa ng senador.
Comments are closed.