(Wagi sa super lotto jackpot) SARI-SARI STORE OWNER INSTANT MILLIONAIRE

NAGING instant millionaire ang isang 46-anyos na mula sa Lavezares, Northern Samar nang kunin nito ang napanalunan na super lotto 6/49 jackpot prize na P63,152,025.00 sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Ang nabanggit na jackpot bearing game ay lumabas noong Pebrero 19, 2023 na may winning combination na 47-46-35-25-15-04.

Nabatid na ang nagwagi sa nasabing winning combination ay nagmamay-ari lang ng isang maliit na sari-sari store sa kanyang bahay at sinuwerte lang ng pagtaya sa PCSO lotto games sa loob ng mahigit 25 taon na siyang nagpabago ng kanyang buhay.

Ayon sa kanya, ang mga masuwerteng numerong ito ay kumbinasyon ng mga petsa ng kapanganakan at edad ng kanyang pamilya at mga kamag-anak.

Sinabi rin niya na ang bahagi ng kanyang mga napanalunan ay ibibigay sa simbahan at gagamitin para sa iba’t ibang pamumuhunan tulad ng insurance, suporta para sa edukasyon ng kanilang mga anak, at pagpapalawak ng negosyo.

“Sana’y patuloy nating suportahan ang PCSO sa kanilang adhikain na makakatulong sa buhay sa pamamagitan ng mga lotto games. Gaya ko po na nabigyan ng pagkakataon na manalo, naniniwala ako na may swerte ring darating sa inyo, basta’t patuloy lang kayong maniwala habang nakakatulong sa kapwa. Maraming salamat po PCSO.” anang masuwerteng winner.

Upang maiwasan ang pagkawala ng mga panalo, ang mga nanalo ay may isang (1) taon mula sa petsa ng pagbubunot para kunin ang premyo, gaya ng nakasaad sa Republic Act No. 1169.

Pinaalalahanan pa ng PCSO ang publiko na ang lahat ng lotto jackpot prizes ay dapat kunin sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Upang makakuha ng mga premyo, dapat isulat ng mga nanalo ang kanilang mga pangalan at lagdaan sa likod ng nanalong ticket, at magpakita ng dalawang (2) government issued ID.

Pinapaalalahanan din ang publiko na ang mga premyong mahigit P10,000.00 ay sasailalim sa 20% na buwis alinsunod sa TRAIN LAW. ELMA MORALES