HINDI papayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makaupo sa puwesto ang nanalong kandidato sa May 14, 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kung sila ay may kinakaharap pang petition for disqualification o petisyong humihiling para makansela ang kanilang kandidatura o certificate of candidacy (COC).
Ang pahayag ay ginawa ni Comelec Spokesperson James Jimenez, dalawang linggo bago manungkulan sa puwesto ang mga bagong halal na kandidato sa Hunyo 30.
Ayon kay Jimenez, alinsunod sa Comelec Resolution No. 10196, ang kandidato sa SK ay hindi dapat bababa sa 18 taong gulang at hindi rin lalagpas sa 24 taong gulang noong araw ng eleksiyon.
Base na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Garvida versus Sales Jr., ang isang taon ay katumbas ng 365 araw at nangangahulugan na hindi dapat lalagpas ng kahit isang araw sa edad na 24 ang isang kandidato sa SK.
Samantala, sa ilalim naman ng Local Government Code of 1991, pinapatawan ng diskuwalipikasyon na tumakbo sa halal na posisyon ang sinuman na napatalsik sa puwesto dahil sa kasong administratibo.
Hindi rin papayagan na maupo ang mga halal na lokal na opisyal na nakapagsilbi na ng tatlong magkakasunod na termino sa posisyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.