MAGANDANG pag-usapan ang paksa ng wais na paggamit ng credit card: dalawa ang pwedeng mangyari, ang malubog sa utang o magkaroon ng panghuhugutan sakaling magipit at kelangan ng pampahaba ng pisi.
Papaano nga ba maging wais sa paggamit ng credit card? Marami na ang naisulat patungkol dito at nananatili pa rin ang patuloy na edukasyon sa tamang paggamit nito. Kung tutuusin, depende sa tao o sa mindset. May mga tao na magkaroon lamang ng credit card ay tinatrato na itong instant cash at puro swipe na lamang ang ginagawa, kahit pa sabihinna sa susunod pa na buwan ang bayad o di kaya ay minimum payment lamang ang babayaran.
Sa kabilang banda, mayroon namang mga indibidwal na mas masinop sa paggamit ng credit card – gagamitin lamang kung may pambayad na at interesado lamang sa pagkuha ng points na maaaring gamitin sa pagbili ng mga airline tickets at iba pa.
Ang mga banko ay kumikita sa interes na pinapataw buwan buwan sa mga credit card holders na minimum payment lamang ang ginagawa, at hindi maliit ang interes na ito. Kung ikaw ay bumili o gumastos ng halagang 100,000 sa credit card at minimum payment lamang ang iyong binayaran, masakit sa bulsa ang karagdagang halaga na ibabayad para lamang sa interes – na kung tutuusin ay maaaring ilaan ang perang ito sa ibang mas mahalaga na bagay. Mas mainam na bayaran ng buo upang maiwasan na mapatawan ng interes, at patuloy lamang ang pagaccumulate ng reward points.
Sa ganitong paraan, ang pagbili o paggastos gamit ang credit card at ang pagbayad ng buo ay nagtuturo ng disiplina sa Pilipino sa wasto at wais na paggamit nito. Imbes na maging alipin ng pera, nagiging responsable tayo sa paggamit ng credit card at nagkakaroon ng extension ang ating financial capability sa panahon na kapusin man tayo. Kahit papaano, may paghuhugutan.
Ugaliing maging disiplinado sa paggamit ng credit card. Sa tamang paggamit makakamit ang pagiging wais sa pera.
Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa [email protected]