KASABAY ng presentasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa bagong salaping papel at barya na may lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng Punong Ehekutibo na magiging maayos ang paggasta ng pamahalaan.
Sineguro rin ng Pangulong Marcos na ang mga papasuking proyekto ng pamahalaan ay tiyak na pakikinabangan ng buong Filipino.
“Be assured that it is the policy of this administration, to ensure that every peso and every centavo that the government spends in its programs and projects will be to the benefit of all Filipinos,” diin ni Marcos habang inihaharap sa kanya ang bagong banknotes sa Malacañang.
Makaraan nito, ay iginawad din ng Pangulo ang buong suporta sa mga opisyal at tauhan ng BSP.
Inatasan din nito ang BSP at iba pang ahensiya ng pamahalaan na paigtingin pa ang kanilang pagsisikap para sawatain ang iba pang illegal na aktibidad para matiyak ang katatagan ng presyo ng bilihin, maisulong ang banking reforms, at ayusin pa ang mga pamamaraan para magarantiya sa publiko na nananatili ang prayoridad ng pamahalaan at ito ay pangalagaan ang interes ng mamamayang Pilipino.
Hinimok naman ng Punong Ehekutibo ang lahat ng ahensya at ang sambayanang Filipino na mag-innovate at humanap ng solusyon para mapataas ang pamumuhay ng lahat upang mabawasan ang mga karaingan at hamon sa buhay.
Samantala, ikinagalak ng Pangulo ang bagong polymer banknote na aniya ay “smarter, cleaner, stronger,” na sabay sa panahon lalo na’t krusyal ang public health at safety concerns dahil sa COVID-19 pandemic. EVELYN QUIROZ