(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang napakahilig magbakasyon o magtungo sa iba’t ibang lugar. Mainam din naman sa kalusugan ang pagre-relax kasama ang pamilya at mga kaibigan nang mag-refresh ang katawan at isipan.
Nanghihinayang ang ilan sa ating magbakasyon. Nanghihinayang sa panahon at perang gagastusin. Ngunit hindi tayo dapat na manghinayang. Ang pera, kayang-kaya nating kitain. Pero ang lakas ng katawan at isipan, mahirap bawiin lalo na kung nalamatan na.
Sa pamamagitan ng pagbabakasyon o pagtungo sa ibang lugar, nagagawa nating makapag-relax.
May benepisyo sa kalusugan ang pagta-travel. Bukod sa nakapagpapagaan ng pakiramdam ang pagtungo sa ibang lugar, nagka-karoon din tayo ng higit na tiwala sa ating sarili, lumalakas ang loob natin at napagaganda ang ating social and communication skills. Nakababawas din ito ng stress, nagiging mas creative tayo at higit sa lahat, napaliligaya tayo ng pagliliwaliw.
Kaya naman, huwag panghinayangan ang magagastos sa pagta-travel sapagkat napakarami nitong kabutihang naidudulot sa atin. Narito ang ilan sa mga wais-tips sa mga nais magbakasyon:
PAG-ISIPANG MABUTI ANG PUPUNTAHANG LUGAR
Masarap ang magbakasyon. Masarap sa pakiramdam, gayundin sa isipan.
Iniisip pa nga lang natin na magtutungo tayo sa isang lugar, ligaya na ang dulot nito sa ating puso. May ngiti na ring nakapinta sa ating pisngi.
Pero bago magbakasyon, importanteng napag-iisipan nating mabuti ang lugar na ating pupuntahan.
Marami tayong lugar na nais puntahan. Pero unahin natin ang mga gustong-gusto nating marating.
PAG-ARALAN AT ALAMIN ANG LUGAR NA NAPILI
Bukod sa pagpili ng lugar na pupuntahan, isa pa sa dapat gawin ay ang pag-aralan ito at alamin ang pasikot-sikot ng inyong magiging destinasyon.
Una ang klima. Importanteng nalalaman ninyo ang klima sa pupuntahang lugar nang makapagdala ng angkop na damit at gamit.
Ikalawa, alamin ang pasikot-sikot ng lugar. Halimbawa na lang ang mga tourist spot na nais masilayan.
Ikatlo, mga bilihan ng murang pasalubong at kainan na swak sa mga bakasyunista. Siyempre, hindi puwedeng makaligtaan ang pagbili ng pasalubong. Kaya naman, bago pa lang magtungo sa lugar ay alamin na kung saan banda ang mga bilihan ng pasalubong. Gayundin ang mga kainang dinarayo ng mga turista.
SIGURADUHING MAY DALANG TOWEL
Importante rin ang pagdadala ng towel. Kakailanganin kasi natin ito sa kahit na anong panahon at pagkakataon.
Hindi rin natin alam kung kailan natin kakailanganin ang towel kaya’t kung may dala ka nito palagi, hindi ka maiinis o maii-stress.
Sabihin mang mayroon nito ang mga hotel, mabuti pa rin iyong may sarili kang dala. Maliit at magaan lang din naman ang towel kaya’t hindi ito makabibigat sa inyong bitbit o dala.
MAGBITBIT NG SNACKS
Huwag ding kaliligtaan ang pagdadala ng snacks o makakain sa biyahe. May ilan na tamad na magdala ng snacks at inumin. Madalas nating sinasabi na bibili na lang tayo sa daan.
Pero mas mainam pa rin iyong mayroon tayong baong snacks at tubig nang mauhaw at magutom tayo, may makukuha tayo sa ating bag. Healthy snacks din ang dalhin.
MAGDALA NG EXTRA SOCKS
Bukod sa towel, isa pa sa hindi natin gaanong pinagtutuunan ng pansin lalo na kapag nagpa-pack tayo ay ang medyas o socks. Kung titingnan natin, hindi ito gaanong mahalaga kagaya ng damit.
Pero importante ang pagdadala ng ekstrang medyas. Ang iba sa atin, ang plano ay labhan na lang ang isinuot na medyas. Pero paano kung hindi matuyo. Nakababaho ng paa ang pagsusuot ng basa at maruming medyas. Nakakakalyo naman at nakasasakit ng paa ang pagsusuot ng sapatos na walang medyas. Kaya isama sa pagpa-pack ang ekstrang medyas. Para sa iyo rin iyan, para sa inyong kaligtasan.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa wais-tips na dapat tandaan sa pagbabakasyon. (photos mula sa loveandzest.com, smarttrav-el.com at ordinarytraveler.com)