WAIS-TIPS SA PAMIMILI NGAYONG NALALAPIT NA HOLIDAY

PAMIMILI

PAMAHAL nang pamahal ang mga bilihin ngayon. Halos hindi na magkasya ang kinikita ng marami sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Ngunit sa kabila ng pamahal nang pamahal ang mga bilihin, nakaugalian pa rin ng ilan ang mag-ipon para sa pami­mili ng mga regalo ngayong papalapit na holiday. Hindi nga naman buo ang Pasko kung walang aginaldong matatanggap ang mga mahal natin sa buhay, lalong-lalo na ang mga bata.

Pinakaaabangan din ang panahong ito ng mga bata kaya’t maraming magulang ang pinaghahandaan ito at pinag-iipunan.

Sa katunayan, hindi nga naman puwedeng mawala ang regalo kapag Pasko. Kaya naman, narito ang ilang wais-tips sa pamimili ngayong nalalapit na holiday:

ILALAANG BUDGET SA PAMIMILI

Unang dapat na isipin o pagplanuhan ang ilalaaang budget sa pamimili. Importanteng alam mo na ang budget na kakailanganin sa pamimili nang magkaroon din ng ideya kung ano-ano ang mga bibilhin.

GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA BIBILHIN AT PAGBIBIGYAN

Gumawa rin ng listahan ng mga bibilhing regalo gayundin ng mga taong pagbibigyan nito nang hindi mahirapan.

May ilan sa atin na kung kailan nasa mall na o pamilihan, saka pa lang nag-iisip nang ibibigay na regalo. Kung nasa mall ka na at doon ka pa lang mag-iisip ng ibibigay, tiyak na mas matatagalan ka.

Kaya bago mamili ay maganda kung gagawa na muna ng listahan. Isulat ang mga pagbibigyan at ang regalong ibibigay. Sa pamamagitan din ng paglilista ng mga bibilhing regalo ay magkakaroon ka na ng ideya kung magkano ang magagastos mo sa bawat bibilhin.

Mas mapadadali rin ang pamimili sa ganitong paraan.

MAG-STICK SA NAKALAANG BUDGET

Walang kasing sarap ang mamili. Kapag nasimulan pa naman natin ang pagsa-shopping, hindi na natin namamalayang kayrami-rami na pala ng ating nabibili. At kadalasan din ay lumalampas na tayo sa nakalaan nating budget.

Ano pa man ang mangyari, dapat ay hindi lalampas sa nakalaan nating budget nang hindi tayo kulangin o kapusin. Kung lalampas din tayo sa inilaan nating budget, puwede ring may mga regalo tayong hindi mabili.

Kaya naman, mag-stick lang sa inilaang budget. At kung hindi naman maiwasang lu­mampas, kaunti lang dapat.

KAPAKINABANGAN NG BIBILHIN

Ikalawang kaila­ngang isipin sa pamimili ngayong nalalapit na holiday, o kahit na anong panahon ay ang kapakinabangan ng bibilhin.

Oo marami tayong puwedeng bilhin na magugustuhan ng ating mahal sa buhay. Pero hindi lamang ganda ang dapat nating isaisip kundi maging ang kapakinabangan nito, kung magagamit ba ang iyong bibilhin.

Marami sa atin na kapag maganda ang isang bagay, bibilhin na kaagad at nakaliligtaan nang isipin kung mapakikinabangan o magagamit ba ito ng iyong pagbibigyan.

Mas maa-appreciate din kasi ng pagbibigyan kung ang matatanggap niyang regalo ay mapakikinabangan talaga.

MURA VS MAHAL

Hindi rin naman kailangang sobrang mahal ang regalong bibilhin. Ang mahalaga ay galing ito sa puso. Kung galing nga naman sa puso, walang makahihigit sa naturang regalo.

Marami rin namang murang mga bilihin o panregalo ang maganda o dekalidad. Kaya bago bumili ng regalo, alamin muna ang kalidad nito.

Kumbaga, huwag magpabulag sa presyo. Hindi lahat ng mahal, maganda o dekalidad. Hindi rin naman lahat ng mura, pangit ang pagkakagawa. May ilang mura pero maganda ang quality. Iyon ang kaila­ngan nating hanapin—ang mura at may magandang kalidad.

MAGHINTAY O MAG-ABANG NG PROMO/SALES

Isa nga naman sa paraan para makatipid ang kahit na sino lalo na sa panahon ngayon na panay ang pagtaas ng mga bilihin at halos hindi na magkasya ang kinikita natin sa pang-araw-araw na pangangailangan ay ang pag-aabang ng promo o sales.

Sa tuwing papalapit na ang holiday, marami tayong makikitang promo sa mga pamilihan. Puwedeng i-grab ang mga promo o sales nang mas makatipid.

Pero siyempre, siguraduhin lang din na maayos pa ang kalidad ng bibilhin at hindi ito agad-agad na masisira.

I-check ding mabuti ang bibilhin nang masi­gurong walang depekto o sira.

MAMILI NG MAS MAAGA

Maganda rin kung mamimili ng mas maaga para hindi masyadong mabigatan sa gagastusin. Kung makitang maganda, mura at de kalidad, puwedeng bilhin na kaagad.

Kapag Pasko nga naman, hindi lamang pamilya o kaibigan ang binibigyan natin ng regalo, gayundin ang mga ina­anak natin. Pinakaabangan pa naman ng mga bata ang Pasko dahil alam nilang makatatanggap sila ng regalo mula sa kanilang mga Ninong at Ninang.

Kung marami ka nga namang inaanak, ala­ngan namang hindi ka maghanda ng regalo para sa kanila. Hindi mo naman puwedeng sabihing “sorry”. Malulungkot siyempre ang mga bata.

Kaya magandang option para makapamili ng magagandang ipamimigay sa mga ina­anak o mahal sa buhay, gayundin para makatipid o hindi gaanong mabigatan sa gagastusin ay ang pamimili ng mas maaga.

Kung mas maaga ka ring mamimili, marami kang mapagpipilian at makikilatis mong mabuti ang bagay o gamit na iyong bibilhin. Higit sa lahat, hindi ka makiki­pagsiksikan at makikipag-agawan sa mga kagaya mong mamimili.

PAGIGING LIGTAS NG BIBILHING REGALO

Siyempre, mas magiging masaya ang pagbibigyan kung ligtas ang regalong kanyang matatanggap. Kaya naman, siguraduhing ligtas ang lahat ng bibilhin nang hindi maging dahilan ng problema o sakuna.

Nalalapit na nga naman ang holiday. Tiyak na excited na ang ma­rami sa atin. At sa mga maraming reregaluhan diyan, ngayon pa lang ay magplano na nang hindi mahirapan. Makabubuti rin kung ngayon pa lang ay sisimulan na ang pamimili.

Comments are closed.