WAIT A MINUTE, KAPENG MAINIT

KAPE-8

(Ni CYRILL QUILO)

MAHALAGA sa buhay ng bawat tao ang kape. Nagpapagising sa tutulog-tulog na katawan. Sa umagang malamig ay nais nating dampian ang ating labi at lagyan ang ating sikmura ng mainit na kape. Nagbibigay enerhiya o lakas ang kape at higit sa lahat may taglay na antiox-idant. Saan mang dako ng mundo, atin itong hinahanap-hanap. Hindi maaaring kalimutan ang kape.

Dito sa Filipinas, ginawa na rin itong hanapbuhay ng ilan nating kababayan na medyo hikahos sa buhay. Makikita ito saan mang lugar—puwedeng sa palengke, mall o bus terminal. Sa bus terminal, madalas sa gabi sumasakay ang mga pasahero. Mga umiiwas sa matinding traffic at mainit na panahon.

Sa mahabang biyahe upang malabanan ang antok, kailangan ang kape. At para naman sa kadarating lang ng terminal, hindi rin puwedeng mawala ang kape sa kanilang sistema.

Dito nakaantabay si Mang Armando Feca ng Barangay Turbina Calamba City Laguna. Nagtitinda ng kape sa lahat ng taong nais munang magkape. Sa halagang 10 piso bawat tasa ay makahihigop ka na ng mainit na kape. Dala-dala ang kanyang thermos na may lamang mainit na tubig at ilang mga biscuit at sigarilyo. Sa halagang 1,000 na puhunan ay nakapagsimula si Mang Armando ng kanyang negosyo.

Kapag papalubog na ang araw, nag-uumpisa na siyang pumuwesto sa kanyang lugar sa terminal ng bus. Nagsisimula ng alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw. Kumikita siya ng  300 pesos na siyang ikinabubuhay sa kanyang buong pamilya. Dito niya kinukuha ang babaunin ng kanyang tatlong anak na pinag-aaral na isang grade 11 at grade 10. At ang bunso niya ay dalawang taong gulang.

Sa pagtitinda ng kape umaasa si Mang Armando. Dito niya kinukuha ang pantustos sa pa­ngangailangan ng kanyang mag-anak.

Comments are closed.