WAKASAN ANG MALNUTRISYON – BBM-SARA UNITEAM

BBM - SARA 5

Paiigtingin ng BBM-Sara UniTeam ang kampanya laban sa malnutrisyon sa bansa na dulot umano ng kahirapan at pinalala ng epekto ng pandemya sakaling mapagtagumpayan ng nasabing tambalan ang halalan sa susunod na taon.

Noon pa man ay isang seryosong problema na sa Pilipinas ang malnutrisyon. Ang bansa ay ika-lima sa East Asia at Pacific area na may pinaka-maraming bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon at kabilang din ito sa nangungunang sampung bansa sa buong mundo sa bilang ng mga batang nababansot.

Ayon kay BBM-Sara UniTeam, napabilang ang Pilipinas sa mundo pagdating sa malnutrisyon dahil sa matinding kahirapan, na itinuturing na isa sa pinaka-kritikal na alalahanin ng ating bansa. Dapat aniyang palakasin ang kampanya laban dito.

“Talaga namang malaking hamon ang malnutrisyon sa lahat ng dumaang administrasyon, hindi tayo nawawala sa pandaigdigang listahan kapag pinag-uusapan ang ganitong problema, kaya naman dapat talagang paigtingin ng ating gobyerno ang kampanya laban dito pero syempre dapat solusyonan din natin ang lumalalang problema ng kahirapan sa ating bansa na nagiging puno’t dulo ng kagutuman,” pahayag ng dalawa sa isang press statement.

Sinabi ng BBM-Sara UniTeam na ang COVID-19 pandemic ay nagpalala pa sa ating problema sa kagutuman dahil maraming tao ang nawalan ng trabaho at negosyo na nagresulta sa matinding gutom at paghihirap.

“Malnutrition is a consequence of persistent hunger, and hunger a consequence of extreme poverty,” pahayag nila.

Kasunod ng pagsiklab ng COVID-19 pandemic, tumaas ang antas ng nagugutom sa Pilipinas. Base sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Setyembre 2020 pagkatapos ng pitong buwang community quarantine, 31% ng mga kabahayan ang nakaranas ng gutom sa nakaraang 30 araw, at siyam na porsyento (9%) ang nakaranas ng matinding gutom, na siyang naging pinakamataas na datos sa mahigit 20 taon.

“Ngayon, mas lumala pa ‘yung problema natin, dahil nga dito sa Covid-19 pandemic, marami ang nawalan ng trabaho, ng pagkakakitaan, kaya mas marami ang nakararanas ng gutom, pasalamat tayo kahit papaano dahil sa ngayon unti-unti nang bumabangon at gumagalaw ang ating ekonomiya,” ayon sa dalawa.

“Kapag tuluyan nang nagbukas ang ating ekonomiya ang iisipin agad natin ay ‘yung trabaho, ‘yung pagkakakitaan ng mga tao, gawa tayo ng mas maraming trabaho, kasi ang puno’t dulo ng lahat ng ito, ng malnutrition ay kahirapan, ang pinaka-apektado pa naman dito ay ‘yung mga kabataan, mga estudyante,” dagdag pa nila.

Inihayag naman ng BBM-Sara UniTeam na humanga sila sa pagsisikap ng gobyerno, partikular na sa programa ng Department of Education (Dep-Ed), para maibsan ang sitwasyon ng gutom sa mga pampublikong paaralan.

Mula noong 1997, ipinatupad ng Dep-Ed ang school-based feeding programs (SBFPs). Ang unang SBFP ng Dep-Ed, na tinawag noon na Breakfast Feeding Program (BFP), ay naglalayong tugunan ang panandaliang gutom. Sa paglipas ng mga taon, inilipat ng SBFP ang layunin mula sa pagtugon sa panandaliang kagutuman patungo sa pagtugon sa malnutrisyon sa mga mag-aaral sa mga pampublikong elementarya.

“Ngayon ang alam natin mayroong regular feeding program sa mga eskwelahan, kaya lang ang tingin natin problema lang diyan hindi sapat ‘yung araw kung papaano ginagawa ‘yung programa, sa tuwing nasa paaralan lang ba sila, ‘yun ‘yung dapat nating isa-alang-alang, ‘yung implementasyon ng programa, pero natutuwa tayo dahil maganda ang programang ito para sa mga kabataang kulang sa nutrisyon,” pahayag nila.

“Mas magandang makipag-ugnayan pa tayo sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno para sa problemang ito, maging sa lokal na pamahalaan, dapat talaga natin itong solusyonan kasi alam naman natin na ang batang gutom, walang laman ang tiyan ay hindi nakakapag-aral ng maayos, bumababa ‘yung posibilidad na matuto sila,” ayon sa kanila.

Samantala, inalala naman ni Marcos kung paano hinarap ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang problema ng malnutrisyon katuwang ang USAID sa programa nitong ‘Food for Peace Program,’ na nagbibigay ng nutribun, bulgur, at klim milk sa bawat komunidad at paaralan para labanan ang kakulangan ng nutrisyon ng mga kabataan.

“Naalala ko lang ‘yung panahon ng aking ama, nakipag-ugnayan siya sa USAID para matulungan ‘yung kalagayan ng ating bansa patungkol sa malnutrition, ‘yung nutribun na hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ng marami, namigay sila ng nutribun, bulgur at klim milk, siguro magandang ibalik yung ganong programa,” pahayag naman ni Marcos.

“Maraming paraan na pwede nating idagdag sa kasalukuyang programa, ‘yung pang-matagalang solusyon at ‘yung makakatulong talaga para sa tao, sa mga estudyante at sa lahat ng nagugutom,” dagdag ng BBM-Sara UniTeam.