WALA NA BANG SOLUSYON?

ISYU na naman sa West Philippine Sea ang bumulaga sa atin nitong linggo.

Ito ay nang muli, o sa hindi mabilang na pagkakataon ay  i-provoke ng Chinese Coast Guard ang crew ng BRP Teresa sa.Escoda shoal na bahagi ng islang pinag-aagawan.

Iniulat ni Philippine Coast Guard spokeperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na walang nasugatang personnel na lulan ng barko matapos itong direkta at intensiyonal na banggain ng makailang beses ng CCG noong Sabado.

Nagsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang naturang Chinese vessel sa kabila ng unprovoked action ng PCG vessel habang nagpapagala-gala ito sa Escoda shoal.

Ang aksiyon na ito ay nakapukaw umano ng atensiyon mula sa nasabing CCG at Chinese maritime militia vessels na nasa lugar dahilan kaya mas maraming barko ng China Coast Guard ang dumating at mas maraming Chinese maritime militia vessels din ang sumuporta sa kanilang maritime forces para palibutan ang BRP Teresa Magbanua.

Bilang resulta ng pagbangga ng CCG vessel sa BRP Teresa Magbanua, nagtamo ito ng pinsala sa may bridge wing at sa may port bow.

Inaasahan ang paghahain ng diplomatic protest at gaya ng dati, marami na naman ang magbibigay ng opinyon.

Subalit sa rami ng diplomatic protest at mga opinyon para rito ay tila sumisingasing ang CCG at tuwina ay binu-bully ang Pinoy.

Sana ay upuan at maging malinaw na ang pag-uusap hinggil sa mga aksiyon ng CCG laban sa Pinoy.

Lagi naman tayong agrabyado sa sitwasyon, hanggang kailan ganyan ang gagawin sa ating PCG?

Siguro nga ay mas mabuting mag­timpi, pero hanggang kailan?

Sana ay wala nang magbuwis ng buhay dahil lamang sa provocation umano ng CCG.