WALA NANG COVID-RELATED DEATHS

“WALA nang naitala na COVID-related deaths sa Manila.”

Ito ang pahayag ni Mayor Honey Lacuna, kasabay ng pag-aanunsyo ng patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa kabisera ng bansa.

Nabatid sa alkalde na sa 87 indibidwal na sumailalim sa confirmatory RT-PCR test sa loob ng isang linggo ay isa lamang dito ang nagpositibo.

Sinabi pa nito na ang mag nagpa-RT-PCR test ay mga indibidwal na kailangan at requirement para sa trabaho o para sa admission sa ospital.

“Magandang balita po ito pero kahit na mababa na ang bilang ng kaso, andiyan pa rin po siya,” ani Lacuna.

Aniya, marami ang nagtuturing sa ubo at sipon ngayon bilang isang ordinaryong trangkaso.

Dahil dito, hindi na sila nagpapa-swab test kaya naman mababa ang bilang ng mga taong nagpapa-RT-PCR o naitatala bilang positibo sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ay mahigit 230,000 ang sumailalim sa libreng RT-PCR tests na patuloy na ibinibigay ng anim na public hospitals.

May 34 confirmed active COVID cases sa Manila at ito ay base sa pinakahuling tala ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.

Kaya’t muling hinimok ang mga residente ng lungsod na patuloy na gawin ang minimum health protocols kontra COVID, tulad ng pagsusuot ng facemasks sa mga lugar at pagtitipon na hindi magagawa ang social distancing, dahil hindi pa tapos ang pandemya sa kabila na niluwagan na ang health protocols.
VERLIN RUIZ